IDINETALYE ng oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang totoong kalagayan o sitwasyon ng mga Pilipino sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa magkakahiwalay ng privilege speech, mariing kinontra nina ACT party-list Rep. France Castro, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Albay Rep. Edcel Lagman ang mga isyung ipinagmalaki ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong July 22 dahil malayo umano ito sa totoong kalagayan ng sambayanang Pilipino.
“Narinig natin ang State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ngunit ang tunay na kalagayan ng bansa ay hindi makikita sa mga magagarang salita at pangakong binitiwan ng Pangulo. Ang tunay na kalagayan ng bansa ay makikita sa mga lansangan, sa mga palengke, sa mga paaralan, sa mga ospital, at sa mga tahanan ng ordinaryong mamamayan,” ani Castro.
Sinabi ng mambabatas na walang katotohanan ang ibinida ni Marcos na bumababa ang bilang ng mahihirap sa bansa dahil sa base sa pag-aaral aniya, 18.1 milyong pamilya ang nagsasabing sila ay mahirap.
“Paano natin masasabing umunlad ang bansa kung halos kalahati ng ating mga kababayan ay nagugutom?,” tanong pa ni Castro na kinontra din ang pahayag ni Marcos na tumaas ang bilang ng mga Pilipino na nagkaroon ng trabaho subalit hindi nito inamin na 73.6 percent sa may hanapbuhay o katumbas ng 48.2 milyong Pinoy ang nasa informal sector o walang permanenteng trabaho.
Sinabi naman ni Brosas na sadlak din aniya ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa patuloy na liberalisasyon sa sektor ng agrikultura at pagtuloy na umaasa sa importasyon si Marcos.
Noong Hunyo lamang aniya ay naglabas ng executive order si Marcos na nagpapababa sa taripa sa bigas, mais at baboy kung saan tanging ang mga importers lamang ang nakikinabang at ipinagpapatuloy pa rin nito ang Rice Liberalization Law.
Sinabi ni Lagman na umaabot na sa P15.347 trillion ang utang ng Pilipinas kung saan P10.442 trillion ay domestic debt at P4.905 trillion ang external debt dahil gumagastos aniya ang Marcos administrasyon ng higit sa nakokolektang buwis.
Maging ang paghina ng piso kontra dolyar na lalong nagpapahirap sa mga tao lalo na ang mahihirap ay pinuna ni Lagman dahil tila walang ginagawang aksyon ang Marcos Jr., para resolbahin ang problemang ito. (BERNARD TAGUINOD)
152