‘BIKOY’ LUMANTAD; IDINAWIT SA DROGA KAKASUHAN

bikoy100

(NI KEVIN COLLANTES)

LUMANTAD na sa publiko at nagpakilala ang isang lalaking si alyas ‘Bikoy.’

Si ‘Bikoy,’ o Peter Joemel Advincula, sa tunay na buhay, ay nagtungo sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Pasig City, upang humingi ng legal assistance dahil nais na umano niyang magsumite ng affidavit at maghain ng kaso laban sa mga personalidad na isinasangkot niya sa kanyang video na “Ang Totoong Narcolist” series.

“Ako po si Peter Joemel Advincula, mas kilala ninyo sa pangalang ‘Bikoy’. Ako po ay tunay na tao at hindi kathang isip lang tulad ng sinasabi ng ibang tao,” ayon kay ‘Bikoy’ sa isang pulong balitaan sa IBP.

Umamin din si Advincula na dati siyang miyembro ng sindikato ng illegal na droga, at sinabing nagpasya siyang lumantad dahil binabagabag na siya ng kanyang konsensiya at dahil na rin sa mga pagbabanta na natatanggap niya sa kanyang buhay.

Matatandaang sa kanyang kontrobersiyal na serye ng mga video, kabilang sa mga tinukoy ni ‘Bikoy’ na sangkot sa illegal na droga sa bansa ay ang anak ni Pangulong Duterte na si dating Davao vice mayor Paolo Duterte, senatorial candidate at dating special assistant to the president (SAP) Secretary Christopher ‘Bong’ Go, at Maneses Carpio, na asawa ni Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.

Idinawit din niya ang partner ni Pangulong Duterte na si Honeylet Avanceña, at maging ang dalagitang anak ng mga ito na si Kitty, gayundin ang buong Quadrangle Group na galing sa Bicol.

Samantala, mariin rin namang itinanggi ni Advincula na konektado siya sa sinumang election candidate o political party, at maging sa senatorial slate ng oposisyon.

Giit ni Advincula, hindi niya kilala si Rodel Jayme na unang naaresto ng mga awtoridad at sinasabing siyang gumawa ng website na metrobalita.net kung saan ini-upload ang naturang kontrobersiyal na videos.

Tiniyak naman ng IBP na iimbestigahan nila ang mga pahayag ni Advincula, na may mga kasamang madre pa umano nang magtungo sa kanilang tanggapan.

 

146

Related posts

Leave a Comment