MAGKAPATID NA ALICE AT WESLEY GUO NAKALABAS NA NG BANSA

RAPIDO NI PATRICK TULFO

NAKALABAS na raw ng bansa si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at ang kapatid nitong si Wesley Guo. Ito ang rebelasyon ni Sen. Risa Hontiveros sa Senado nito lang Lunes. Ayon daw sa source ng senadora, nasa Kuala, Lumpur, Malaysia na ang mga ito noon pang July 18.

At mula raw sa Kuala, Lumpur ay dumiretso si Guo sa Singapore kung saan kinita nito ang kanyang mga magulang na sina Li Wen Yi at Guo Jian Zhing na galing daw ng China at dumating sa Singapore noong July 28.

Kasama raw ng mga magulang ni Mayor Alice ang sinasabing kapatid nito na si Wesley Guo at Cassandra Ong!

Siyempre pa, ang tanong: Paano nakalabas ng bansa ang dating mayor? Samantalang nangako ang Bureau of Immigration (BI) na hindi raw nila ito palalabasin ng bansa. Hindi naman siguro panibagong kaso ng “pastilyas scheme” ito?

Ang pastilyas scheme ay ibinunyag ng aking amang si Ramon Tulfo noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kung saan sinabi nito na may ilang tiwaling opisyal ng BI at DOJ ang umano’y kumita at tinawag itong pastilyas kasi ang ibinabayad na pera ng mga Chinese na pumapasok at lumalabas sa bansa ay ibinabalot sa papel na parang pastilyas. Ang ilegal na sistemang ito ang dahilan kung bakit maraming nakapapasok at nakalalabas na mga dayuhan sa bansa nang walang record.

Sinabi naman ni Sen. Raffy Tulfo, maaaring gumamit ng chartered plane si Guo para makalabas ng bansa. Matatandaang sinita ni Sen. Tulfo ang kawalan ng processing center para sa mga pasahero na gumagamit ng chartered flights.

Ibig sabihin, malayang nakalalabas ng bansa ang mga taong may kakayahan na magbayad ng chartered flights. Hindi na raw kinakailangan na dumaan pa sa mahabang proseso ng IMMIGRATION tulad ng mga regular na pasahero ng commercial flights. Mayroon naman daw nag-iinspeksyon dito mula sa Customs, BI at Quarantine Bureau, pero paano raw makikita kung wala namang CCTV sa mga lugar kung saan dumadaan ang mga gumagamit ng chartered flights.

Siguradong ipatatawag na naman sa Senado ang mga opisyal ng Bureau of Immigration lalo na ‘yung mga naka-duty noong panahon na lumabas ng bansa si Guo. Kaya lang, kung iintindihin ninyo ang pahayag ni Sen. Raffy Tulfo, maaaring nagkalagayan na ‘yan at sa yaman ni Mayor Guo, maaaring mabulag ang mga nalagyan at handa nang matanggal sa trabaho kung sakali kasi baka mas malaki pa ito kaysa kanilang retirement pay.

SUNDAN NINYO PO AKO SA AKING PROGRAMANG “RAPIDO NI PATRICK TULFO” NA NAPAKIKINGGAN SA DZME 1530 KHZ, 10:30-12:00 NG TANGHALI MULA LUNES HANGGANG BIYERNES. NAPAPANOOD NA RIN KAMI CABLELINK CH. 5 AT FB PAGES NG DZME AT YOUTUBE CHANNEL, AT MAGING SA OFFICIAL FB PAGE NG RAPIDO NI PATRICK TULFO. SALAMAT PO.

101

Related posts

Leave a Comment