UNIFIED 911 NATIONAL AWARENESS CAMPAIGN INILUNSAD

INILUNSAD ng Department of the Interior and Local Government (DILG), katuwang ang SM Prime Holdings Inc., ang Unified 911 National Awareness Campaign sa MOA Globe Grounds bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month (NDRM).

Layunin ng kampanya na palawakin ang kamalayan ng publiko sa Unified 911 bilang emergency hotline ng bansa at hikayatin ang mas maraming Pilipino na gamitin ito sa oras ng sakuna at iba pang emerhensiya.

Bilang bahagi ng inisyatiba, inilunsad ang mga promotional materials sa digital billboards at mga sinehan ng SM sa buong bansa upang mas mapalawak ang impormasyon tungkol sa serbisyo.

Ayon kay DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla, mahalagang hakbang ang pagtutulungan ng DILG at SM Prime Holdings upang higit na mailapit sa publiko ang Unified 911 at mapalakas ang kultura ng kahandaan sa bansa.

Binigyang-diin din niya na ang Unified 911 ay hindi lamang emergency hotline kundi bahagi rin ng tungkulin ng pamahalaan upang matiyak na agad na makahihingi ng tulong ang bawat Pilipino anuman ang wikang kanilang ginagamit.

Isinagawa ang kampanya alinsunod sa temang “Naghahanda at Kumikilos Tungo sa Panatag na Bagong Pilipinas,” na nagtataguyod ng kahandaan at sama-samang pagkilos para sa mas ligtas at mas panatag na bansa.

(JESSE RUIZ)

87

Related posts

Leave a Comment