DPA ni BERNARD TAGUINOD
KAPAG bumabaha at nagkaka-landslide na nagiging dahilan ng kamatayan ng mga tao at pagkasira ng mga ari-arian at kabuhayan, pumapasok sa isip ko ang one billion trees program na sinimulan noon pang panahon ni dating House Speaker Jose De Venecia Jr.
Mahigit dalawang dekada na ang nakararaan mula nang ilunsad ang inisyatibang ito kung saan isang bilyong seedlings ng iba’t ibang uri ng mga puno ang itatanim sa buong bansa para ipanlaban sa baha at nakapapasong sikat ng araw.
Kung naitanim lang ang mga punong ito, malamang ay madawag na ang mga kagubatan at mga kabundukan natin at maging ang low lying areas ay berdeng-berde na ang landscape.
Malamang din na walang mangyayaring pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga kabundukan kapag nagkaroon ng malakas na ulan tulad ng ibinuhos ng bagyong Carina at Enteng dahil protektado tayo ng mga puno.
Kaso iba ang nasaksihan natin lalo na sa Antipolo, Rizal na labis na nasalanta ng bagyong Enteng dahil sa rumagasang tubig ulan na may kasamang putik mula sa mga kabundukan.
Ibig lang sabihin, walang mga punong nagpatibay sa mga kabundukan kaya nang umulan ay madaling natunaw ang lupa na rumagasa kasama ang tubig ulan kaya ang tanong: Anong nangyari sa one billion trees initiatives?
Ang may responsibilidad para pangunahan ang pagtatanim ng mga puno ay ang Department of Environment and Natural Resource (DENR) pero mula 2001, mukhang drawing ang programang ito.
Maraming puno ang madaling lumaki. Lima hanggang 10 taon lang ay malalaki na maliban sa Narra trees na hindi mapakikinabangan kung hindi aabot ng 50 taon, kaya kung nagtanim man ang DENR, malamang malalaki na ang mga puno dahil mahigit dalawang dekada na ang nakalipas mula nang ilunsad ang inisyatibang ito.
Imbes na nadagdagan kasi ang mga puno ay mukhang pakonti na dahil ang bilis mag-apruba ang DENR ng mga permit para magputol ng mga punongkahoy imbes na protektahan ang mga ito dahil panlaban ito sa climate change.
Madalas nangyayari ‘yan sa real estate projects ng mga pribadong kumpanya na kahit ang mga kabundukan ay pinapayagan nang mag-develop ng mga subdivision, negosyo at iba pa na nag-aakyat ng limpak-limpak na pera sa mga gahaman at walang kabusugan sa kayamanan.
Hindi ko rin alam kung isa sa mga dahilan ng matinding pagbaha ang Kaliwa Dam projects sa Rizal at ang mga istrukturang itinayo sa Upper Marikina Watershed na pag-aari raw ng mga mayayaman at makapangyarihang tao sa lipunan.
Sabi nga sa kantang “Masdan mo ang Kapaligiran” ng Asin, “Hindi nga masama ang pag-unlad kung hindi nakasisira ng kalikasan” kaya dapat kumilos ang DENR at lahat ng mga ahensya ng gobyerno na pagtulungan na ang pagtatanim ng mga puno at protektahan ang natitirang mga puno para “ang mga batang ngayon lang isinilang ay may mga puno pang aakyatin”.
