UMABOT na sa 16 ang bilang ng iniulat na mga namatay habang 17 pa ang nawawala bunsod ng ilang araw na pag-ulan dahil sa Tropical Cyclone Enteng at Southwest Monsoon o Habagat, na nagpabaha sa maraming lugar, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes.
Sa inilabas na situation report ng NDRRMC kahapon ng umaga, itinala ng NDRRMC na walo sa kabuuang nasawi ay mula sa Calabarzon, tatlo sa Bicol Region, dalawa sa Central Visayas, dalawa sa Eastern Visayas, at isa sa Western Visayas.
Subalit nilinaw ng Office of Civil Defense na ang mga reported death ay daraan pa sa validation ng ahensya.
Kasunod ito ng ulat na umabot na sa 12 ang bilang ng mga nasawi habang tatlo naman ang kasalukuyang nawawala sa lalawigan ng Rizal dahil sa Bagyong Enteng.
Ito ay batay sa pinakahuling datos na ibinigay ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Rizal sa ginanap na situation briefing ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon ng umaga.
Samantala, idinagdag ng NDRRMC na 17 katao ang iniulat na nawawala at 13 iba pa ang nasugatan dahil sa epekto ng sama ng panahon na nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas.
May kabuuang 2,061,726 katao o 538,602 pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Enteng at Habagat sa Ilocos Region, Cagayan Region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Cordillera, at Metro Manila.
Ang Bicol Region ang may pinakamaraming apektadong mga residente sa bilang na 1,119,382.
Iniulat ang pinsala sa imprastraktura na nagkakahalaga ng P223,602,718 at sa agrikultura ay P4,333,159.
Para sa mga pasilidad ng irigasyon, nasa kabuuang P1,080,000 ang halaga ng pinsalang iniulat.
May kabuuang 5,965 na bahay ang nasira — 5,858 ang partially at 107 ang totally damage.
Ang pagkawala ng kuryente, problema sa suplay ng tubig, at mga isyu sa linya ng komunikasyon ay naranasan sa iba’t ibang lugar sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Enteng at Habagat.
Na-stranded ang ilang pasahero dahil sinuspinde ang ilang flights at biyahe sa dagat dahil sa masamang panahon.
Hanggang kahapon ay may mga pampubliko at pribadong paaralan ang nagsuspinde ng kanilang mga klase at iskedyul ng trabaho sa iba’t ibang lungsod at bayan sa bansa.
Idineklara ang state of calamity sa Naga City, buong lalawigan ng Camarines Sur, at bayan ng Allen sa Northern Samar.
Sa ngayon, nasa P92,636,750 ang tulong na naibigay sa mga biktima ng kalamidad, ayon sa NDRRMC.
Lumabas si Enteng sa Philippine Area of Responsibility noong Miyerkoles ng umaga subalit may dalawang low pressure areas ang binabantayan ngayon ng PAGASA. (JESSE KABEL RUIZ)
200