CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SIGE na nga, Pilipinas ang selfie capital of the world kaya pwede nang magpa-picture kasama kahit ang nag-hide and seek sa batas.
‘Yan tayo e, iyong purong Pinoy posas agad, sa presinto ka magpaliwanag. Pero ‘yun peke, me handshake na, me photo ops pa. Kulang na nga lang daw ay red carpet at mistulang fan meet na ng sikat na celebrity ang ginawang pagsundo nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP Chief Rommel Marbil sa takas na si Alice Guo o Guo Hua Ping.
Sa totoo lang, kahiya-hiya dahil pinagmukhang tanga nitong si Guo sina Abalos at Marbil. Sabi nga’y, napaikot sa dulo ng daliri.
Magtataka ka pa ba kung bakit nawawalan ng tiwala sa hustisya ang mga ordinaryong Pinoy?
Kitang-kita sa kaso ni Guo ang napakalaking diperensya ng trato sa pobreng Pilipino at sa maimpluwensya at mapera kahit hindi totoong Pinoy.
Laking sampal na nga sa gobyerno ng Pilipinas na mga taga-Indonesia ang nakahuli sa grupo ni Guo, ipinakita pa nila na masyadong malambot ang mga opisyal natin sa mga hinahabol ng batas.
Sabi nga ng isang netizen, kapag hinahabol ka ng batas dito ka lang sa Pilipinas, mas malaki ang tsansang mahuli sa labas kaysa dito. Itanong n’yo pa kina Bantag at Quiboloy!
Teka, masyado na tayong nakapokus sa selfie na ‘yan kaya ibaling din ang pansin sa ibang importanteng isyu bago tuluyan tayong masuka sa palabas ng isang puGUOnte.
Dumulog tayo sa hapag-kainan. Ang pagkain ay buhay pero maraming Pinoy ang hikahos. Malaking ginhawa raw para sa mga Pilipino ang patuloy na pagbagal ng inflation. Ginhawa na ba katumbas gayung bumagal lang ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at hindi naman bumaba?
Ayon sa Philippines Statistics Authority, bumaba ang inflation rate ng Pilipinas noong Agosto dahil sa mas mabagal na pagtaas ng gastos sa pagkain at transportasyon. Ang inflation rate noong Agosto ay 3.3%, mas mabagal kaysa sa 4.4% rate noong Hulyo.
Tulad ng inaasahan at inaabangan, ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbaba ng inflation rate. Ito raw ay bunga ng mga hakbang ng gobyerno na unti-unting pababain ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang pagkain.
Siyempre, nakaantabay si Speaker Romualdez na agad na nagpalapad ng papel.
Tiniyak ni Romualdez na tutulong ang Kamara de Representantes kay PBBM upang maipatupad ang mga polisiya at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bilihin, lalo na ang pagkain.
Ayon kay Romualdez, ang pagbagal ng inflation rate ay nangangahulugan na epektibo ang mga hakbang na ginawa ng gobyerno gaya ng pagbebenta ng murang bigas sa Kadiwa stores at ang desisyon ng Pangulo na ibaba ang buwis ng imported na bigas.
Sa Kadiwa mura, pero hindi sa palengke. Sa palengke, basta me kwarta makabibili. Sa Kadiwa? Naging mura ba ang bigas dahil ibinaba ang buwis ng inaangkat na bigas?
Grupo ng mga magsasaka na ang nagsalita na hindi epektibo ang tapyas-taripa para bumaba ang presyo ng bigas.
Ang presyo ng bigas ay mas mataas nitong Agosto 2024 kumpara noong Enero 2024 na ang taripa ay 35%, ayon sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) at Federation of Free Farmers (FFF).
Tanggap ng mga ito na nagkaroon ng maliit na bawas sa presyo ng bigas mula noong Hunyo, na nagkakahalaga ng 40 sentimo pagbaba sa loob ng tatlong buwan. Pero malayo ito sa ipinangako na hanggang P7 bawas kada kilo ng bigas nang ipatupad ang ibinabang taripa.
Teka, sa kalagitnaan ng Oktubre pa raw mararamdaman ang pagbaba ng presyo ng bigas dahil sa mababang taripa. Dahil…naubos na ang lumang stock ng mga trader at retailer. Abangan natin.
Kapag nangyari, iyan ang magandang selfie.
129