EPEKTIBO PA BA DAYLIGHT SAVING TIME?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

INAPRUBAHAN kamakailan ng Kamara ang House Bill No. 7750 o ang Daylight Saving Time Act. Bibigyan nito ng kapangyarihan ang Pangulo na magdeklara ng daylight saving time mula Enero 1 hanggang Hunyo 1 ng isang partikular na taon.

Nangangahulugan ito na pwedeng galawin ng daliri ng Pangulo ang kamay ng orasan at isulong ng isang oras ang Philippine Standard Time (PST) mula Enero 1 hanggang Hunyo 1, at ibabalik sa dating oras sa huling bahagi ng taon.

Teka. Ano ba ang implikasyon at benepisyo ng DST? Layunin daw nito na mabawi ang pagkalugi sa pagiging produktibo sa ikalawang bahagi ng taon sanhi ng pag-ulan at pagbaha, na nagdudulot ng pagkaantala sa mga araw ng pasukan at trabaho.

Tugon ba ang DST upang maging mas produktibo ang mga manggagawa at mag-aaral? Naku, baka tinutumbok nito ang mahabang oras ng trabaho at pag-aaral.

May iba pang benepisyo ang DST, ayon sa mga nagsusulong nito. Makasasabay ang bansa sa oras ng internasyonal na trabaho na magpapalakas sa turismo sa pamamagitan ng mas malawak na aktibidad sa liwanag ng araw.

Samantalahin na magamit nang mabuti ang liwanag ng araw nang makatipid sa kuryente ang isa pa sa layunin ng DST, ngunit ang Pilipinas ay malapit sa equator at bahagya lang ang pagkakaiba-iba ng oras ng liwanag ng araw at halos pantay ang haba ng araw at gabi sa buong taon kaya hindi nito kailangan na i-adjust ang oras.

Saka, ang hirap atang baguhin ang nakasanayan, lalo ang oras ng paggising, pagtulog, at iba pang nakatakdang gawain.

15

Related posts

Leave a Comment