MATAPOS pangunahan ang mahigit dalawang linggong law enforcement operation laban kay alleged human trafficker Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy, itinalaga bilang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) acting Director si Police Brig. General Nicolas Torre III.
Si PBGen. Torre na dating Davao Region police director, ay itinalaga bilang kahalili ni PNP-CIDG chief, Police Major General Leo Francisco. Hinirang naman si Police Brigadier General Leon Victor Rosete na kapalit ni Torre bilang pinuno ng PNP Davao Region kahapon.
Si Torre ay itinalagang acting CIDG director sa bisa ng PNP General Order 2024-4486, na inisyu ni PNP Directorial Staff head, Police Lieutenant General Jon Arnaldo noong Martes, Setyembre 24.
Bilang bagong pinuno ng PNP Elite investigation unit, responsibilidad nito na tutukang habulin at kasuhan ang mga tao, criminal syndicates or organized crime group na may kinalaman sa economic sabotage at iba pang malalaking krimen.
Nabatid na naglabas ng memo ang PNP national headquarters para sa opisyal na panunungkulan ni BGen. Torre, ang general orders ay nilagdaan ni Police Major General Sidney Hernia, PNP Director for Personnel and Records Management.
Si Torre ang responsable sa pagpapairal ng three-minute police response time sa Davao Region, na una niyang ipinatupad sa Quezon City Police District. (JESSE KABEL RUIZ)
112