WALANG BUMANGGIT SA INDUSTRIALIZATION

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NATAPOS na ang paghahain ng kanilang certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo sa 2025 election mula Senado hanggang konsehal ng bayan at lungsod noong Martes at siyempre may mga naglatag na agad ng kanilang plataporma.

Ang napansin ko lang, walang nagsusulong ng industriyalisasyon sa mga kandidato, lalo na sa Senado at Kongreso, at maging sa local government units (LGUs) para magkaroon ng dagdag na trabaho ang mga tao.

Mabuti pa ang military industrialization ay nabigyan ng atensyon pero hindi ang commercial industrialization na kailangang na kailangan ng mga Filipino para magkaroon sila ng mapapasukang trabaho at hindi na kailangang umalis ng Pilipinas para mabuhay ang kanilang pamilya.

Wala akong Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act (SRDP) na pinirmahan sa Malacañang dahil mahalaga ito sa ating depensa at hindi tayo aasa sa bala, bomba at iba pang kagamitang pandigma ng ibang bansa kapag sumiklab ang giyera na huwag naman sana.

Kailangang talaga nating patatagin ang ating sariling depensa dahil laging nabu-bully ang isang bansa kapag alam ng bullies na walang kakayahan ang kanyang sandatahang lakas na idepensa ang teritoryo at kasarinlan.

Lagi ring ginagamit ng malalakas na bansa ang isang mahinang nasyon para isulong ang kanilang sariling interes na hindi naman napapalagan dahil wala ngang kakayahang na ipagtanggol ang sarili.

Pero kapag alam ng isang bansa na may kapabilidad ang isang nasyon pagdating sa depensa ay medyo kwidaw sila at hindi sila basta-bastang gagawa na aksyon na pwedeng magpapala ng problema kaya wala tayong problema sa batas na nilagdaan.

Pero sana, sabayan ito ng industriyalisasyon dahil hangga’t lahat ng kailangan natin ay mula sa ibang bansa, hindi talaga tayo aasenso. Ang daming raw materials pero sa ibang bansa dinadala at doon nila pinoproseso at pagbalik sa Pinas, abot langit na ang halaga.

Magtataka kayo, ang daming gulay sa probinsya pero walang processing plants kaya nabubulok at itinatapon na lamang ng mga magsasaka kaya tatamarin na ang mga magsasaka at kapag tumigil sila sa pagtatanim ay mawawalan ng supply at ang kikita dyan ay ‘yung smugglers at importers ng gulay.

Ang daming mining companies na nagmimina ng mga materyales para sa paggawa ng bakal pero bakit ang galing sa ibang bansa ang ibinebenta ng mga hardware store na hindi rin makontrol ang pagtaas ng presyo?

Ilan lang ‘yan sa mga yaman ng Pilipinas na ang nakikinabang ay mining companies at ibang bansa kung saan dinadala ang raw materials. Kung may planta dito sa ating bansa, hindi lang isa ha, kundi dapat marami, ang daming Pinoy ang magkakaroon ng trabaho at makikinabang din ang consumers.

Pero sa pakikinig ko sa mga naghain ng kanilang COC, walang nagbanggit na “pag hinalal n’yo ako, isusulong ko ang industriyalisasyon sa ating bansa para hindi na kailangang mangibang bayan ang ating mga kababayan”.

52

Related posts

Leave a Comment