GINUNITA ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Governor Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alexis C. Castro ang ika-99 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Blas F. Ople kasama ang pamilya nito sa ginanap na seremonya nitong Martes, Pebrero 3.
May temang “Gat Blas F. Ople: Huwaran ng Pinanday na Isipan, Inspirasyon ng mga Kabataan”, sinimulan ang unang bahagi ng programa sa pag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Ople sa pangunguna nina Fernando at Castro kasama si Susanne Laurie Ople Osorio, ang apo ng tinaguriang bayani na siya ring panauhing pandangal sa nasabing pagdiriwang.
Ayon sa apo ni Ople, ang pagdiriwang ng Ople Day ay hindi lang pag-alala sa isang pangalan kundi sa isang buhay na puno ng aral, sakripisyo at pagmamahal sa bayan.
Sinabi naman ni Fernando na ipinagdiriwang ang araw na ito taon-taon bilang pag-alala sa lahat ng naiambag ni Ople hindi lamang sa lalawigan ng Bulacan kundi maging sa buong bansa.
Nabatid na si Ka Blas ay anak ng isang boat repairman mula sa bayan ng Hagonoy, Bulacan na nagtrabaho bilang kargador sa pier na noong kabataan ay sumama at nakipaglaban sa mga Hapones.
Nagsumikap, nag-aral at naging manunulat at napiling kolumnista sa isang kilalang pahayagan noon kung saan napansin ni noo’y Pangulong Ramon Magsaysay ang kanyang talino at husay sa pagsusulat kung kaya ginawa siya nitong speech writer.
Panahon naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. nang siya ay italaga bilang Labor Minister ng Overseas Employment Program sa bansa.
Siya ang author ng batas na pinakikinabangan ngayon ng lahat ng manggagawa, ang ‘thirteen month pay’; ang probisyon na nagsasabi sa konstitusyon na ang pinakamalaking bahagi ng budget ng gobyerno taon-taon ay ilaan sa edukasyon.
Si Ka Blas din ang nagtatag ng mga institusyon gaya ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ngayon ay ang Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni Fernando, napag-alaman niya na si Ka Blas din ang unang naghain kay Pangulong Marcos Sr. ng proyektong flood control o mega dike project mula sa Bataan hanggang Cavite dahil nakita na nito noon pa ang magiging problema sa baha dulot ng high tide sa mga coastal town sa Bulacan, ngunit hindi ito natuloy.
Kaya naman ngayon ay nais ni Fernando na maisakatuparan ang pangarap na ito ni Ople kaya inilatag nila at ng dalawa pang gobernador ng Pampanga at Bataan, kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang proyektong ‘mega dike’ na magmumula sa National Capital Region hanggang sa lalawigan ng Bataan.
Sinabi naman ni Vice Gov. Castro na ang paggunita ng Ople Day ay pag-alala sa isang dakilang Bulakenyo at huwaran ng talino, dangal, at malasakit sa kanyang kapwa Pilipino na maituturing na isang haliging bakal sa tahanan ng sambayanang Pilipino—matatag, maaasahan, at nagsisilbing sandigan lalo na sa gitna ng unos ng kahirapan at kawalan ng katiyakan.
“Sa kanyang pamumuno bilang tagapagtaguyod ng karapatan ng manggagawa, arkitekto ng makabagong mga patakaran sa paggawa, at pangunahing tinig sa pagtataguyod ng kabuhayan, kanyang pinatibay ang pundasyon ng ekonomiya ng bansa. Ang kanyang mga adhikain ay hindi lamang nakaukit sa mga batas at institusyon, kundi sa buhay ng bawat pamilyang Pilipinong nabigyan ng dignidad, trabaho, at pag-asa,” wika ni Castro.
Binigyan-diin ni Castro na ang pamana ni Gat Blas Ople ay patunay na ang isang anak ng Bulacan, na pinanday ng karanasan at edukasyon, ay maaaring maging tinig ng milyun-milyong manggagawa—dito man sa loob ng bansa o sa ibayong dagat.
Ang paggunita ng Ople Day, ayon pa kay Castro, ay bilang paanyaya sa lahat, lalo na sa kabataan, na ipagpatuloy ang kanyang adhikain: ang mag-isip nang malalim, kumilos nang may malasakit, at maglingkod nang buong puso para sa bayan.
Kasunod ng programa ay nagkaroon ng Palatuntunang Pang-alaala at Pagsasanay at turn-over ng ilang book collection ni Ople para sa Bulacan Provincial Library na ginanap sa Tanghalang Nicanor Abelardo, Hiyas ng Bulacan Cultural Center.
At sa huling bahagi ay isinagawa naman ang Job Fair for Local and Overseas Employment sa Bulacan Capitol Gymnasium.
(ELOISA SILVERIO)
12
