38 UNDOCUMENTED CHINESE NADISKUBRE SA RESORT SA CEBU

Natagpuan ng mga tauhan ng PNP ang 38 undocumented Chinese national sa loob ng isang resort sa Barangay Saavedra, sa bayan ng Moalboal sa lalawigan noong Miyerkoles ng hapon.

Ayon kay Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ng Police Regional Office sa Central Visayas, nagsasagawa ang lokal na pamahalaan ng isang “routine inspection” sa pamamagitan ng Municipal Planning and Development Office sa Happy Bear resort, nang madiskubre ang mga dayuhan.

Agad ang mga itong nakipag-coordinate sa pulisya at nagbuo ng composite team ang Department of Justice, Criminal Investigation and Detection Unit, at Regional Anti-cybercrime Unit at tinungo ang resort.

Batay sa imbestigasyon, ang mga Chinese national ay umupa sa nasabing eksklusibong resort mula pa noong Setyembre 24.

Ang resort ay matatagpuan pitong kilometro mula sa highway. Pinaghihinalaan na posibleng nag-ooperate ng Philippine Offshore Gaming Operations o POGO ang mga dayuhan.

Nakakuha rin ng mga laptop at cellphone sa loob ng inuupahang mga unit ng mga dayuhan na hinihinalang ginagamit sa POGO activities.

Anim na sasakyan din ang nakita sa loob ng eksklusibong resort.

Nakipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa Bureau of Immigration at sa Chinese Consulate dahil hindi umano nakaiintindi ng salitang Ingles ang mga Chinese.

Kasama rin sa imbestigasyon ang pakikipag-usap sa may-ari ng resort para sa karagdagang imbestigasyon.

Noong nakaraang buwan, natuklasan din ang isang POGO hub sa isang resort sa Barangay Agus, Lapu-Lapu City, Cebu. (NILOU DEL CARMEN)

109

Related posts

Leave a Comment