MAGHANDA LABAN SA BAHA

TINGNAN NATIN

BINAHA kaagad ang ilang bahagi ng national highway sa Castillejos, Zambales sa kaunting ulan lamang nitong nakaraang Miyerkoles, dahilan para magkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko, at maabala kapwa ang mga motorista at pedestrian na dumaraan sa naturang bayan.

Tingnan Natin: ang pagbaha ay maaari namang pag­handaan lalo na kung may mga karanasan na sa nakaraan.

Hindi pare-pareho ang dahilan ng pagbaha sa lahat ng lugar, maaaring sadyang mababa, o kaya’y walang “drainage system” na daluyan ng tubig, o pwede ring dahil barado ng basura at iba pa ang “drainage” dahil sa kapabayaan.

Sa baha sa Castillejos, naglutangan ang basura sa highway malapit sa kurbada pa-Norte papasok ng kaba­yanan kaya ito ang isa sa dahilan.

Reklamo rin ng mamamayan, ang bagal kasi ng mga konstruksiyon sa daan kaya hindi lang traffic ang dulot na parusa, sanhi rin ito ng mga pagbaha, halimbawa na ang sa Castillejos.

Tingnan Natin: ang paglilinis ng mga drainage ay pwedeng pangatawanan ng lokal na pamahalaan, kung hindi ng barangay, ang munisipyo, kung hindi natutulog sa pansitan ang mga opisyal nito.

Ito namang mga kontratista ng mga konstruksiyon ng kalsada, ang Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang may hurisdiksiyon sa kanila.

Sakop ng DPWH 2nd Eng’g District ang Castillejos, Zambales kaya saklaw ito ni District Engineer Hercules C. Manglicmot.

Pwede po ba Eng’r Manglicmot, tingnan natin ang bilis o bagal ng mga kontratista, lalo na kung pasok pa ba sa takdang panahon na matatapos ang konstruksiyon batay sa kontrata?

Ang kalagayan sa Castillejos, Zambales ay maaaring halimbawa ng nangyayari rin sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sana, huwag nang hintayin ang tag-ulan bago kumilos laban sa pagbaha.

Ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan, kahit busy sa pangangampanya sa parating na halalan, ay hindi dapat nagpapabaya sa paghahanda para pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan.

Ang mga taga-DPWH naman, tulad ni District Eng’r Manglicmot, bantayan din ang mga kontratista sa progreso ng trabaho nila.

Wala naman silang dapat ikatakot sa mga kontratista para mamuna, hindi po ba? Tingnan Natin. (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

173

Related posts

Leave a Comment