ARESTADO ang anak ni Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang sa drug bust sa Davao City.
Sa halip kunsintihin, pinuri pa ng gobernador ang mga arresting officers para sa isang ‘job well done.’
Sa statement, sinabi ni Dayanghirang na ang kanyang anak na si Jossone Michael Dayanghirang, 32, ay inaresto at kailangang harapin ang kanyang pagkakamali.
Ayon kay Davao City Police Director Alexander Tagum, umaabot sa 13 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P208,000 ang nabawi sa batang Dayanghirang.
Kinumpirma ng gobernador na anak niya ang naaresto noong Miyerkoles ng hapon sa isang drug bust sa Juna Subdivision, Davao City.
Si Jossone Michael ay lumaki umano sa kanyang ina at nang malaman na gumagamit ito ng droga ay ipinasok ito sa rehabilitation facility ngunit sa kabila nito ay nagpatuloy pa rin sa kanyang bisyo ang batang Dayanghirang.
Si Dayanghirang na isang reeleksiyunista sa ilalim ng Naciolista Party ay nagsasagawa ng mga hakbang upang masugpo ang droga sa lugar at hindi umano exempted ang anak niya sa ipinatutupad na batas.
159