IREREKOMENDA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tapyasan ang bilang ng mga police general mula sa mahigit 130 ay maging 25 na lamang.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ang pagbabawas sa bilang ng ‘top-heavy” police organization ay kabilang sa prayoridad ng kanyang liderato sa DILG.
”That’s my plan… It’s still a plan, that’s one of my recommendations, to flatten the organization,” ang sinabi ni Remulla.
”There are a lot of generals without commands. Mayroon tayong APC, area police commands, na wala naman tao sa ilalim nila. So marami tayong lugar na redundancies na kailangan i-trim down. It’s a 32-year-old law na kailangan bisitahin ulit,” aniya pa rin.
Nauna rito, nanawagan si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga mambabatas na maamyendahan ang Republic Act 6975 o ang batas na nagtatag sa Philippine National Police noong 1991.
Binigyan-diin ni Gen. Marbil ang pangangailangan na muling suriin at i-restructure ang PNP upang magkaroon ng mas “streamlined structure” para sa mas mabilis na paggawa ng desisyon, lalo na sa panahon ng emergencies.
Aniya, ang kasalukuyan hierarchical system ang madalas na nagpapabagal sa kanilang desisyon partikular sa mga kritikal na sitwasyon.
Kapag na-decentralize ang PNP, magbibigay ito ng kapangyarihan sa mga mababang ranggong opisyal na gumawa ng “localized decisions” na inaasahang magpapabilis sa kanilang operational efficiency at makatutulong sa pag-iwas sa delays.
Kinakailangan din aniyang masolusyunan ang kakulangan ng bilang sa kanilang hanay.
Nang itatag ang PNP, mayroon lamang itong 150,000 na tauhan na hindi na sapat upang matugunan ang kasalukuyang pangangailangan para sa kaligtasan ng publiko at pag-iwas sa krimen. (CHRISTIAN DALE)
