NASA DIYOS ANG AWA, NASA TAO ANG GAWA

At Your Service Ni Ka Francis

BAGAMA’T may mga salawikain tayo na ating nagiging gabay sa paglalakbay sa buhay, ay hindi maaaring iasa na lang natin dito ang ating magiging kinabukasan.

Isa sa mga salawikaing ito ay ang “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa”.

Hindi sapat na tayo ay humingi ng awa sa Diyos, kailangan din nating pag-ukulan ng sikap at gawa upang matamo ang minimithing biyaya.

Sa aking pagkakaunawa, kailangan nating kumilos at magtrabaho upang magkaroon ng makakain ang ating pamilya.

Walang darating na biyaya sa ating tahanan kung hindi tayo kikilos at hindi rin malalaman ng ating mga kapitbahay o kaibigan na wala tayong kinakain.

Maaaring mag-isip pa sila na kaya hindi tayo kumikilos ay dahil marami tayong naitabing pera.

Ang Diyos ay hindi direktang magbibigay ng pera sa tao na walang makain, kundi gagamit siya ng ibang tao na instrumento para magbigay sa ‘yo.

Sinong tao ang magbibigay sa ‘yo kung hindi ka lalabas sa iyong bahay?

Mga ibon nga, hindi sila kakain kung hindi sila lilipad para maghanap ng mga puno na may bunga.

Binigyan tayo ng Diyos ng lupa at katubigan na maaaring pagtaniman at pagkunan ng makakain. Nasa atin na lang kung paano natin ito pakikinabangan.

Walang madali sa buhay, lahat ay dapat nating paghirapan kung gusto nating makamit ang ating minimithi.

Walang yumaman na hindi dumaan sa paghihirap sa simula, hindi lang natin alam ang kanilang mga pinagdaanan bago sila nagkaroon ng maraming pera.

Marami sa kanila ay bumagsak ang kanilang negosyo nang ilang beses bago sila nagtagumpay at yumaman.

Ibinigay sa atin ng Diyos ang lupa at katubigan sa mundo para pagyamanin ito.

Ibig sabihin payabungin natin kung ano ang ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Masuwerte ang tao, kung ikukumpara tayo sa mga hayop dahil binigyan tayo ng talino ng Diyos.

Binigyan niya tayo ng natural resources na maaari nating pagkunan ng mga bagay at pagkain para hindi tayo magutom.

Subalit kung hindi natin ito gagamitin nang tama, ang mga natural na kayaman na ito ay mawawala rin at mauubos pagdating ng panahon.

Kaya para kaawaan tayo ng Diyos ay kumilos tayo at tiyakin na tama ang ating paggamit sa natural na yaman at naaayon sa Kanya, dahil ‘pag nagkamali tayo ay maaaring maubos ang natural resources na ito.

Kung nasusunod lamang natin ang totoong kahulugan ng “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa” ay walang mahirap na pamilyang Pilipino.

Kung iisipin natin, masipag na tayo, daragdagan pa ng Diyos, imposibleng magutom pa ang ating pamilya.

‘Wag lang natin gamitin ang kayamanan para maging mayabang at mapang-api sa ating kapwa dahil hindi ‘yan ang naaayon sa kagustuhan ng Diyos.

Kahit na umapaw ang ating kayaman ay hindi tayo maaaring magmalaki sa ating Amang nasa langit.

Lahat ng bagay sa mundo ay hiram lang natin sa Diyos.

Mas pagpapalain tayo ng Diyos at lalo pa tayong aasenso kung mapagkumbaba pa rin tayo.

Tuloy lang tayo sa ating mga gawain, kasama ng ating Amang nasa langit.

45

Related posts

Leave a Comment