INIREKOMENDA ng Senate Committee on Finance na tapyasan ng P5.7 billion ang panukalang subsidiya ng gobyerno sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth para sa susunod na taon.
Sa report na isinumite ni Senador Grace Poe, chairperson ng Senate Finance Committee para sa panukalang 2025 national budget, ibinaba nila sa P68.7 billion ang alokasyon sa Philhealth.
Mula ito sa P74.4 billion na original proposal ng Malakanyang na sinang-ayunan ng Kamara.
Gayunman, daraan pa sa plenary debates ang rekomendasyon ng kumite kaya’t may posibilidad na ito ay madagdagan o tuluyang mabawasan.
Una na ring sinabi ni Senate President Francis Chiz Escudero na maaari nang hindi bigyan ng subsidiya ang Philhealth dahil mahigit kalahating bilyong piso ang surplus fund ng ahensya sa pagtatapos ng taong 2024.
Madaragdagan pa anya ito sa kontribusyon ng mga miyembro.
Sa report ng PhilHealth at Department of Finance, sa pagtatapos ng taon aabot sa P546 billion ang surplus fund ng ahensya.(Dang Samson-Garcia)
11