CIF NG PANGULO DAPAT DING ALAMIN KUNG SAAN NAGAMIT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

LAHAT ng ginagastos ng gobyerno ay mula sa buwis ng taumbayan at kahit umutang sila para pampuno sa kakulangan sa pondo ay ang mamamayan din ang magbabayad, hindi lamang sa interes kundi maging sa principal loan. Doble pa.

Kabilang sa ginagastusan ang confidential and intelligence funds (CIF), na ang pinakamalaki ay sa Office of the President (OP) at dahil confidential nga ang pondong ito, hindi na nabubusisi ng mga tao kung papaano ito ginamit.

Kaya precedent ‘yung pagkalkal ng Kamara sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte at lalong nakumbinsi ang sambayanan na hindi nagagamit sa tama ang kanilang buwis na ipinagkatiwala sa mga inihalal nila.

‘Yung mga CIF ng Armed Forces of the Philippine (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies, huwag kalkalin at higpitan dahil kailangan talaga nila ang pondong ‘yan para sa seguridad ng ating bansa at mamamayan sa kabuuan.

Pero ‘yung CIF ng OP na pagkalaki-laki na umaabot ng P4.5 billion, ay dapat din i-subject sa pagsusuri para malaman kung nagagamit ba talaga nang tama ang pondong ito dahil baka katulad ng OVP na kuwestiyonable ang paggastos.

Marami kasi ang nagtataka bakit mula sa P500 million na taon-taon na CIF ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, naging P4.5 billion noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Saan ba ginamit ang pondong ‘yan gayung may hiwalay naman na CIF ang security forces at iba pang pinagpalang secretary noong nakaraang administrasyon at ang masaklap ay itinuloy naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Hindi ko lang maintindihan kung bakit umabot sa P4.5 billion ang CIF ng OP noong panahon ni Digong, hanggang sa panahon ni BBM, dahil nakaya naman ni PNoy na mabuhay sa P500 million? Nakukulangan ba sila sa mga pondong hawak nila?

Ilang buwan ba nila ginagastos ‘yan at ano ang pinaggagastusan dahil kung intel lang ang pag-uusapan, lahat ng nakakalap na impormasyon ng AFP at PNP ay siguradong makukuha ng Pangulo.

Kaya para patas, alamin din ng Kongreso kung papaano ginagamit ng OP ang kanilang CIF dahil baka meron din dyan na recipient na pare-pareho ang pirma, sitsirya ang pangalan, at safe houses na ginagastusan ng P250,000 kada araw.

May mga tsismis noon na kapag may byahe ang pangulo, hindi lang ngayon kundi sa mga nakaraan, ay malalaki ang allowances ng mga kasama nila kaya shopping galore sila sa ibang bansa pero wala ‘yun sa budget. Hindi kaya sa CIF galing yun? Malay natin!

Pero ang problema, kaya ba ng Kongreso na kalkalin ang CIF ng OP? Suntok ‘yan sa buwan lalo na’t kontralado ng pangulo ang Kongreso, aminin man nila o hindi. Pero dapat may kakalkal dahil karapatan ng mamamayan na malaman kung papaano ginagasta ang kanilang binayarang buwis lalo na’t sa susunod na taon ganyan din kalaki ang pondong ‘yan.

36

Related posts

Leave a Comment