SA LANDSLIDE SA CAMSUR

CAMARINES SUR – Patay ang isang 52-anyos na lalaki habang sugatan ang kanyang 49-anyos na misis sa nangyaring landslide matapos ang malakas na buhos ng ulan dulot ng shearline sa Barangay Ananeam, sa bayan ng Labo sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Ayon sa report ng Labo MDRRMO, nagiba ang isang bahagi ng bahay nina Eliberto Merilla, at Mary Ann Merilla, matapos mabagsakan ng gumuhong lupa at bato.

Isinugod ang ginang sa Camarines Norte Provincial Hospital sa Daet para sa agarang lunas bunsod ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Habang si Eliberto ay dinala sa Labo District Hospital ngunit

idineklarang dead on arrival.

Sa bayan naman ng Mercedes, natagpuan ang katawan ng isang nawawalang mangingisda, habang isa pa ang sugatan matapos wasakin ng malalakas na alon ang kanilang bangka sa Bagasbas Beach.

Ayon kay Eric De Castro, hepe ng PDRRMO-Camarines Norte Operations Unit, limang bangka ang sumilong sa bunganga ng Mercedes River dahil sa masamang panahon ngunit dahil sa malakas na agos dulot ng matinding ulan, natangay ang mga bangka papunta sa dagat noong Linggo ng gabi.

Tatlo sa mga bangka ang lumubog, at natagpuan ang isa sa mga mangingisda na wala nang buhay na posibleng nalunod o tinamaan ng debris. Isa pang mangingisda ang nasugatan sa insidente.

Sa bayan naman ng Daet, ligtas na ang isang residente na tinamaan ng gumuhong pader, ayon kay De Castro.

Bagama’t gumanda na ang panahon sa Camarines Norte, nananatiling mataas ang baha sa tatlong barangay ng Vinzons at ang ilang mga residente ang nananatili pa rin sa evacuation centers. (NILOU DEL CARMEN)

48

Related posts

Leave a Comment