TSINUTSUBIBO NA TAYO SA PRESYO NG BIGAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAKU, hilong talilong na mga konsyumer sa mga sumusulpot na bersyon ng mga ulat na may kaugnayan sa bigas.

Ayan tuloy, suspetsa at kalituhan ang dala ng mga magaling maglubid ng kuwento na hindi totoo.

Hindi naman natin sinasabing sanga-sangang dila ang mga ito kaso baka nga lang ha. Suspetsa lang kumbaga.

Tulad nito, bigo raw ang ibinabang taripa ng imported rice na mapamura ang presyo ng bigas. Ang ending tuloy, napapamura na mga consumer.

Ganito ang sabi ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang Executive Order 62 ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ibinaba ang taripa sa imported rice sa 15 percent mula sa 35%, ay hindi humantong sa pagbaba ng presyo ng bigas.

Sa pagdinig ng House Murang Pagkain Supercommittee, ipinagtaka ni NEDA Director Nieva Natural kung bakit hindi naramdaman ng mga konsyumer ang pagbaba ng ipinapataw na taripa.

Ipinaliwanag ni Natural na sa competitive market, ang tinapyas na taripa ay dapat nagdulot ng dumaming inangkat na bigas, dagdag na supply na magpapababa ng presyo sa merkado.

Eto, may pananggang panopla si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. Mas mataas daw ang presyo ng bigas sa merkado kung hindi ibinaba ni PBBM ang taripa ng imported na bigas.

Nakaapekto raw sa presyo ng imported na bigas ang mahal na presyo nito sa pandaigdigang pamilihan, ang magkakasunod na bagyo na nakaapekto sa produksyon, at ang paghina ng piso kontra dolyar.

Ano ba talaga?

Pero ito ang parang malapit sa totoong dahilan kaya kaunti lang ang ibinaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Sabwatan ang dahilan? Iyan ang nakikita ng ilang mambabatas.

Anila, sa halip na ang mga konsyumer umano ang makinabang sa pagbaba ng taripa, idinagdag ito ng mga negosyante sa kanilang kikitain.

Pero todo-tanggi naman ang malalaking importer ng bigas na sangkot sila sa anomang cartel, hoarding o profiteering.

Ayan, hinikayat ni House Ways and Means Chairperson Joey Salceda ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na silipin ang buwis na ibinayad ng mga pangunahing rice importers.

Hinala na naman na ang mga ito ay kumikita nang malaki mula sa binawasang taripa.

Siya, kung may manipulasyon ng mga kartel at mga tusong negosyante, ano ang hakbang ng pamahalaan at mga mambabatas?

Talak lang.

Walang aksyon.

Kung puro lang dada, aba lalong malilito ang mga dukha.

Teka, optimistiko ang DA na patuloy ang pagbaba ng rice inflation dahil sa binabaang taripa sa inaangkat at abot-kayang programa sa bigas ng pamahalaan.

Ayon sa DA, kahit bahagyang tumaas ang overall inflation noong Nobyembre, bumaba naman ang rice inflation, mula 9.6 percent noong Oktubre patungong 5.1 percent noong Nobyembre.

Inaasahan daw na mananatiling matatag ang presyo ng bigas ngayong kapaskuhan. Ano ba ‘yan, isa pang pakunswelo na hindi matalino, ay konswelo-de-bobo pala.

Asa na lang kaya sa Rice-for-All program. Dayuhin ang mga tindahan ng Kadiwa nang makatikim ng medyo murang bigas, o kung mas mura pa ang hanap, antayin ang nutri rice na nasa P39 kada kilo, at ang sulit rice na P36 bawat kilo.

Kaso sa Enero ito. Sabagay, ilang tulog na lang Merry Christmas na, at ilang tulog pa mula Pasko ay New Year na. Kaya susulitin ng murang bigas ang paghihintay.

At antayin na rin ang implementasyon ng ganap nang batas na RA 12078 o ang amendments to the Agricultural Tariffication Act.

Kabilang sa layunin ng batas na mapababa ang presyo ng bigas, siguruhin ang sapat na supply ng pagkain sa bansa, at kapakanan daw ng mga magsasaka.

Ayan, babangka sa bagong batas. Pirma lang nang pirma. Hindi nangangalay ang kamay sa pluma, pero ‘yung mga tao, ngalay na sa kahihintay ng mga resulta.

271

Related posts

Leave a Comment