RAPIDO NI TULFO
HINIHINTAY na lang namin na ianunsiyo ng Department of Migrant Workers (DMW) kung kailan sisimulan ang releasing ng balikbayan boxes mula sa Kuwait na nakatengga pa rin hanggang ngayon sa Bureau of Customs.
Una na nating naiulat sa ating programa sa DZME 1530 khz, at nasulat sa espasyong ito, na hawak na ng DMW ang “deed of donation” na galing ng BOC.
Ang deed of donation ay pormal na naglilipat ng responsibilidad sa 25 na containers mula sa Kuwait sa DMW. Bagama’t sinabi ng BOC na kanila pa ring tututukan ang magiging aksyon kung paano makararating sa mga may-ari ang mga kahon.
Pero teka, sa ating panayam kay Sec. Hans Cacdac ng DMW, binanggit nito na isa sa mga tinitingnan nila na paraan ay ang pick-up method, kung saan ay ilalagak sa isang lugar o warehouse ang balikbayan boxes para makuha ng recipients nito.
Mahigpit po nating tinutulan ang “pick-up method” dahil hindi naging maganda ang nangyari sa mga may-ari ng balikbayan boxes galing Dubai, UAE, dalawang taon na ang nakararaan, kung saan marami ang nawala at marami pa rin ang naghahanap hanggang ngayon.
Pinakamagandang sistema ang delivery na ihahatid sa mga tahanan ng recipients ang kanilang mga kahon. Nauna na nating nalaman mula kay Dir. Jun Cacdac ng DMW, na gusto nilang delivery na lang ang mangyari para wala na silang problema.
Nais ng DMW na ang DDCAP (Door-to-Door Association of the Phils) ang magsagawa nito. Willing and able naman ang grupong ito at naghihintay na lang sila ng pormal na abiso mula sa DMW para masimulan ito.
Maganda kung sa DDCAP iaatas ng DMW ang delivery dahil matagal nang ginagawa ito ng naturang grupo bago pa man lumaki ang problemang ito. Ayon kay DDCAP Pres. Joel Longares, noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic ay ginagawa pa nila nang libre ito dahil hindi naman lumalagpas sa limang containers ang ipinakikiusap sa kanila ng BOC.
Pero ngayon sa rami ng containers na ide-deliver, dapat lang na maglabas na ng pera ang DMW para maisagawa ito. Manggagaling daw sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang pondo para rito.
235
