LIPA CITY RTC NABAHALA SA PEKENG EMAILS, EXTORTION LETTERS

NABABAHALA ang mga opisyal ng Regional Trial Court sa Lipa City sa sunod-sunod na natatanggap na mga pekeng email at extortion letters mula sa hinihinalang mga scammer.

Ayon report ng Lipa City Police, agad nagsagawa ng emergency meeting ang Lipa PNP at ang mga kawani ng Lipa City Hall of Justice noong Lunes, matapos na humingi ng tulong ang korte hinggil sa mga fraudulent email na umano ay sinasabing official communication letters mula sa RTC Batangas.

Ang mga sulat umano ay naglalaman ng mga detalyadong impormasyon tulad ng case numbers, pangalan ng mga hukom, at specific na batas upang magmukhang lehitimo.

Sinasabing modus ng mga scammer ay takutin ang mga biktima sa pamamagitan ng pagpaparatang na sila ay sangkot sa hindi nalulutas na kaso, at hinihingan sila ng agarang aksyon at inuutusan ang mga biktima na makipag-ugnayan sa scammer gamit ang contact details na ibinibigay, na dalawang cellphone number at isang email na may address na rtc.masangkay@yahoo.com.

Napag-alaman din na ang suspek na nagpapakilalang Dominador Masangkay ay tinatakot ang mga biktima upang makapangikil ng pera sa pamamagitan ng GCash o iba pang digital payment platforms.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Nakipag-ugnayan na ang Lipa City Police sa Regional Anti-Cyber Crime Unit 4A upang matukoy ang mga nasa likod ng modus na ito at magsasagawa na rin ng Warrant to Disclose Computer Data upang alamin ang rehistradong SIM account na ginagamit ng mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)

308

Related posts

Leave a Comment