2 DAVAO RICE TRADERS PINASISILIP SA BIR, PCC

INATASAN ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine Competition Commission (PCC) na imbestigahan ang rice importer na nakabase sa Davao.

Ginawa ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing Jr., ang kautusan sa pagdinig ng Quinta Committee ukol sa problema ng mataas na presyo ng bigas at iba pang pagkain sa bansa na nagpapahirap sa mamamayan.

Ang tinutukoy ni Suansing ang Nance II AgriTraders at Davao Solar Best Corporation na pag-aari ni Stuart Santiago at may hawak umano sa halos 10% sa buong rice importation ng bansa dahil hindi umano tugma ang record ng the Bureau of Plant Industry (BPI) at Bureau of Customs (BOC) sa kanilang inaangkat na bigas.

Isiniwalat ng mambabatas na noong 2022, inisyuhan ng BPI ang dalawa rice importers ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSICs) para umangkat ng 48,852 metric tons ng bigas subalit kung ang record ng BOC, 348,011 metric tons ang kanilang inangkat.

“Per BOC records, Nance II and Davao Solar Best imported a total volume of 348,011 metric tons. But the problem, Mr. Chair, as per BPI data, they were only issued SPSICs for 48,852 metric tons. There is a discrepancy of 299,159 metric tons. Hindi ito naideklara. May discrepancy,” ani Suansing.

Kailangan din aniyang imbestigahan kung nagbabayad ng tamang buwis ang dalawang nabanggit na kumpanya dahil noong 2023 ay nagbayad ang mga ito ng P2.8 billion na buwis pero mas mababa ang kanilang binayaran bago ito.

Ayon naman kay Santiago, P1 hanggang P1.50 lamang umano ang kita ng mga ito sa bawat kilo ng bigas na inaangkat nila sa ibang bansa at umaasa lamang umano ang mga ito sa high volume o dami ng kanilang naibebenta.

“Per our record, in 2021 and 2022, your two companies paid only P650 million in duties and taxes. In 2021, you paid P1.6 billion. In 2022, you paid P2 billion. In 2023, it’s P2.8 billion. Kung piso lang ang kita per kilo, patingnan natin sa BIR kung ang piso na ‘yan, deklarado,” sagot ni Suansing. (BERNARD TAGUINOD)

68

Related posts

Leave a Comment