NBI PINAKILOS; SABWATAN NG RICE TRADERS SUGPUIN

(BERNARD TAGUINOD)

PINAKILOS na ng Quinta Committee ang National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang sabwatan ng mga rice trader kaya hindi bumababa ang presyo ng bigas sa bansa kahit sobra ang supply at bumaba na ang halaga nito sa world market.

Kasabay nito, pinatitigil ni Iloilo Rep. Janette Garin ang P58/k maximum suggested retail price (MSRP) sa imported na bigas dahil maaaring samantalahin ito ng rice traders para pagkakitaan pa nila nang husto.

“Apparently, there’s a flow of at least five traders before the rice reaches the actual retailer. And I remember, Mr. Chair, I previously filed a motion directing the NBI to look into the traders in between because the collusion is happening here. We can’t just turn a blind eye to this,” ani Garin na inayunan ng komite.

Sa Enero 20 ay nakatakdang ipatupad ng DA ang MSRP kung saan itinakda sa P58 kada kilo ang imported na bigas na agad na tinutulan ni Garin dahil mas mataas ito sa unang napagkasunduan na P45 hanggang P49 dapat ibenta ang premium o magandang klase ng bigas.

Mismong si DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., aniya ang nag-anunsyo nito noong mag-inspeksyon ito sa mga bodega at kinonsulta ang mga wholesaler sa Bulacan.

“Diyos ko ang taas nun,” reaksyon naman ng lead chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda dahil ang landed cost aniya ng mga imported at magagandang klase ng bigas ay nasa P44 hanggang P47 kada kilo na lamang.

Ayon naman kay Garin, P35 hanggang P39 na lamang kada kilo ang landed price ng ibang klase ng imported rice na kabilang sa mga isasama sa MSRP kaya masyadong mataas ang P58 na MSRP.

Sinupalpal pa ni Garin si DA Usec Asis Perez nang sabihin ng opisyal na pilot program ito at ipatutupad lamang sa Metro Manila dahil dito umano ibinebenta ang mga imported na bigas sa halagang P60 hanggang P64.

Ani Garin, sa Mindanao ay P37 hanggang P45 kada kilo ang mga ordinaryong bigas at ang premium ay nasa P50 kada kilo kaya napakalayo ng P58 MSRP na ipatutupad sa Metro Manila.

38

Related posts

Leave a Comment