GOBYERNO, PANALO SA ‘WINNING SHOT’ NI LUMAGUI

BISTADOR ni RUDY SIM

SIGURO kabisado na ng lahat ng basketball fans ang scenario na ito: fourth quarter, dikit ang score, at hindi pa sigurado kung sino ang mananalo. Humahabol ang paborito mong team, at unti-unting nauubos ang oras sa game clock.

Ayun, pinasa sa star player ang bola: tamang galaw, magandang iwas sa depensa, sabay bitaw ng jumpshot bago tumunog ang final buzzer. Pasok. Swak na swak. Panalo ang team, at nagdiwang lahat ng fans.

Tila ganito ang nangyari noong nakaraang linggo sa mga ahensya ng gobyerno at mga opisyal ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos, nang naka “winning shot” si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo “Jun” Lumagui para sa administrasyon. At gaya ng nabanggit na eksenang basketball, nangyari ito sa huling mga araw ng nakaraang taon. Ano nga ba ang tagumpay na nakamtan ni Lumagui?

Eto lang naman: sa unang pagkakataon sa loob ng 20 taon, naabot ng BIR ang itinakdang target sa koleksyon. Nagpasya ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na ang layunin sa 2024 ay P2.848 trilyon, at nalampasan ito ng BIR.

Isinasaalang-alang na ang bawat ahensiya at departamento mula sa lahat ng sangay ng gobyerno ay umaasa sa BIR para sa kanilang pondo, kaya hindi na nakakagulat na naging isang “star player” si Lumagui para sa “team Philippines”.

Kumbaga, 20 taon nang humahabol ang BIR laban sa mga nabigong target, at sa wakas naipanalo ng ahensya ang paligsahan. Napakasarap ng pakiramdam, lalong-lalo na siguro para kay “team Philippines head coach” BBM.

Dalawang taon pa lang sa pwesto si Lumagui, ngunit marami na siyang nakamit na mahahalagang tagumpay para sa BIR. Kabilang dito ang 100% nationwide ISO certification para sa iba’t ibang frontline processes, ang Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (CSC PRIME-HRM) Maturity Level II Accreditation mula sa Civil Service Commission, at ang Seal of Registration mula sa National Privacy Commission (NPC) noong nakaraang taon.

At base sa aking pananaliksik, kapansin-pansin na tila iba ang ihip ng hangin ngayon sa BIR. Inspirado at ganado ang mga empleyado. Mayroon silang malinaw na pananaw at layunin. Mas masaya sila sa harap ng mabibigat na trabaho.

Nang biruin ko ang mga tropa ko doon kung kaya nilang ulitin ang dakilang nagawa nila sa mga susunod na taon, iisa lang ang sagot sa akin: “kung susuportahan ng sambayanang Pilipino ang mga reporma at pagpapabuti ni sir Jun sa BIR, kayang-kaya yan.

Panalo ulit next year!” Aba kung ganun, sukatan niyo na ako ng jersey. Sali ako diyan.

56

Related posts

Leave a Comment