DAVAO DEL NORTE – Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang ulo ng isang 60-anyos na lalaki matapos pugutin ng kanyang anak na pinaniniwalaang may sakit sa pag-iisip, hinihinalang binalak pang lutuin ang lamang-loob nito sa Brgy. Madaum, Tagum City sa lalawigan noong Linggo.
Hinihinalang posibleng nasa impluwensiya rin ng ipinagbabawal na gamot ang suspek kaya nagawa ang karumal-dumal na krimen sa sariling ama.
Ayon sa ulat, wala nang ulo, at halos tadtad na ang mga bahagi ng katawan ng biktimang si Loloy Barlis, nang datnan ng mga pulis sa bahay nito.
Hindi naman maipaliwanag ng nadakip na suspek kung bakit inilagay pa niya sa kawali ang lamang-loob ng ama at tinapon ang ibang bahagi sa labas ng bahay.
Ayon kay Police Lt. Col. Wildemar Tiu, hepe ng Tagum City Police, narinig umano ang kumosyon sa bahay ng mag-ama bago nangyari ang krimen.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, may problema umano sa pag-iisip ang suspek, na nahaharap sa kasong parricide.
Samantala sa hiwalay na balita, natagpuan naman ang halos bungo nang ulo ng isang anim na taong gulang na batang lalaki na unang natagpuang walang ulo, sa Tabogon, Cebu.
Ito ay makalipas ang ilang araw makaraang iulat itong nawawala at madiskubre ang bangkay ng bata na nasa state of decomposition na.
Isasailalim sa autopsy ang katawan ng bata upang alamin ang sanhi ng pagkamatay nito. (JESSE KABEL RUIZ)
