Ang pumalag, sibak – Ungab LIDERATO NI ROMUALDEZ MALA-MARTIAL LAW

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

IBINAHAGI ni Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab ang kakaiba aniyang liderato ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi maaaring sumalungat sa nakararami.

Mistulang martial law style ang paglalarawan ni Ungab sa pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez dahil kapag aniya hindi ka sasang-ayon sa kanila, tatanggalan ka ng posisyon.

“First time ko rin nakita ito na leadership sa Congress na pag hindi ka sasang-ayon sa kanila-if you start talking against what they are saying, sinu-suppress talaga nila ang opposition.

Tatanggalan ka ng position, tatanggalan ka ng benefits, tatanggalan ka ng whatsoever para tumahimik ka,”aniya.

Kasabay nito, binanggit din ng mambabatas na unang pagkakataon sa loob ng kanyang 15 taong karanasan bilang kongresista, na makakita ng mga blankong line item sa Bicam report na ang tinutukoy ay ang 2025 national budget.

Partikular sa tinukoy nito ang missing budget amounts sa Department of Agriculture at Unprogrammed Appropriations na aniya’y bilyones ang halaga.

”Actually all in all there are 13 pages—a total of 28 blank items which will amount to billions of pesos. Ang tanong kung bakit ito napirmahan?” ani Ungab sa programa ng SMNI.

Aniya, dapat walang blangko at kumpleto ang line items sa Bicam report dahil ito ay pipirmahan ng presidente. Hindi aniya maaaring punan ng presidente ang mga blangkong line items dahil wala ito sa kanyang kapangyarihan.

Sa ilalim ng presidential veto, maaari lamang magbawas at hindi magdagdag ng pondo ang punong ehekutibo.

”Bakit napirmahan na maraming blanko at bakit naratipika na maraming blangko. So yung sinasabi nila na GAA, kumpleto yes kumpleto ang GAA. Ang tanong saan ninyo [ibinase] ang GAA kasi kung may blangko ka sa bicam report paano nagiging may figures na doon sa GAA?” tanong pa nito.

Dahil dito, plano ni Ungab na idulog sa Korte Suprema para kuwestyunin ang usapin sa blangkong bicam report.

26

Related posts

Leave a Comment