KAMARA TAMEME SA BLANK ITEMS SA BICAM REPORT

WALA pang nagsasalita sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay sa inirereklamong blangkong item sa bicameral conference committee report sa 2025 national budget.

Maging si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na kasalukuyang Appropriations committee acting chairperson ay tila umiwas sa mga tanong ukol sa usapin.

Sinubukang kunan ng mga reporter ng paliwanag si Quimbo ukol sa isyu sa isang ambush interview, ngunit pinatabi lang sila ng staff ng mambabatas dahil kailangan na nitong umalis para sa isang event.

“Nagmamadali lang siya. Nagmamadali lang siya,” wika ng tauhan habang mabagal na naglalakad si Quimbo patungo sa kanyang sasakyan.

“Sa Monday na lang. Babalik siya,” dagdag pa nito.

Nagsilbi si Quimbo bilang vice chairperson ng House Committee on Appropriations na nagbusisi sa 2025 budget at isa sa mga miyembro ng delegadong pinadala ng Kamara sa bicameral conference committee. Matapos magbitiw si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, itinalaga si Quimbo bilang acting chairperson ng komite.

Kinumpirma ng ilang mambabatas ang mga blangkong item sa bicam report, kabilang na sina House Deputy Minority Leader France Castro, Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab.

Sa Senado naman, nauna nang sinabi ni Senador Risa Hontiveros na wala siyang nakitang bakante o blangko sa bicam report.

Minaliit naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga banta na makukulong ang lahat ng mga pumirma sa 2025 General Appropriations Act.

Aniya, wala pang nasampahan ng anomang kaso dahil sa pagpapalabas ng committee o bicameral report.

“No bicameral conference committee report has yet been declared unconstitutional. No committee report has yet been declared unconstitutional. In fact, no one has yet been sued in court to declare a committee or bicameral conference committee report unconstitutional,” aniya.

48

Related posts

Leave a Comment