PAGPAPAUWI SA LABI NG SEAFARER, PANAWAGAN NG ASAWA

AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

LABIS akong nanlumo sa impormasyon na natanggap ng AKO OFW sa SAKSI Ngayon, dahil sa isa na namang overseas Filipino worker ang nawalan ng buhay at hindi na muling makakasama pa ang kanyang pamilya.

Ito’y kasunod ng paghingi ng tulong ni Rosalie Cedro na asawa ng namatay na si Germanito Cedro.

Sa pakikipag-usap natin kay Rosalie, sinabi nitong hindi niya matanggap ang sinapit ng kanyang asawa matapos itong mawalan ng buhay dahil sa atake sa puso noong January 6 taong kasalukuyan.

Kwento ni Rosalie, buong akala niya ay inaasikaso na ang pagpapauwi sa labi ng kanyang asawa dito sa Pilipinas dahil ilang linggo na rin ang lumipas, ngunit ayon sa kanya, hindi pa pala ito pinoproseso ng agent na may hawak sa sitwasyon ng kanyang asawa.

Isa pang hindi matanggap ni Rosalie ay ang papiliin siya at bigyan ng option kung cremation o naka-sealed na katawan ang darating dito sa Pilipinas ngunit hindi maaaring buksan.

Pagtataka ni Rosalie, bakit sinasabi ng ahente sa Puerto Rico na hindi na buo ang katawan ng kanyang asawa na mas lalo nitong ikinalumo.

Halos 40 years nang nagtatrabaho bilang seafarer si Germanito Cedro at sa iba’t ibang bansa nadedestino, dapat nga raw ay nakauwi na ito noon pang November 2024 ngunit in-extend ang kanyang kontrata kaya hindi na nakapag-asikaso ng kanyang ticket pauwi ng Pilipinas.

Katarungan ang hiling ni Rosalie at maiuwi na ang kanyang asawa nang buo kahit alam niyang hindi na nila ito makakasama pang muli.

Kasunod nito, agad na umaksyon ang AKO OFW at agad na ipinaalam kay Atty. She Alonzo ng OWWA, ang kahilingan nito para na rin sa agarang tulong at pagpapauwi kay Germanito Cedro.


Kung ikaw ay OFW o kapamilya ng OFW na nais magparating ng sumbong o paghingi ng tulong, huwag mag-atubili na lumiham sa amin at ipadala sa aming email address na: akoofwpartylist@yahoo.com o kaya sa saksi.ngayon@gmail.com.

44

Related posts

Leave a Comment