MASS PROTEST INUUMANG LABAN SA LRT-1 FARE HIKE

EXPECT mass protests following LRT-1 fare hike—ito ang babala ni Akbayan party-list representative Percival ‘Perci’ Cendaña makaraang aprubahan ng Department of Transportation (DoTr) ang petisyon ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na magtaas ng pamasaheng sinisingil sa Light Rail Transit 1 (LRT-1).

Ayon sa LRMC, na pag-aari ng joint venture company ng Metro Pacific Light Rail Corporation (MPLRC), Ayala Corporation Infrastructure Holdings Corporation (AC Infra), Sumitomo Corporation at Macquarie Investments Holdings Philippines PTE Ltd. (MIHPL), ipapatupad ang LRT-1 fare hike simula Abril 2 ng taong kasalukuyan.

Sa napipintong pagtaas ng pamasahe, magiging ₱20 na iti sa pinaka-maiksing destinasyon mula sa kasalukuyang ₱15 habang magiging ₱55 na ang pinakamalayo mula sa ₱45.

“Ang hiningi ng taumbayan, i-extend ang operating hours. Ang ibinigay, dagdag-pasahe at pasakit. Asahan na nila ang sunud-sunod na protesta kung iri-railroad talaga ng LRMC ang taas-pasahe,” iginiit na babala ng mambabatas.

“Kung iko-compute, 200 to 400 pesos ang madadagdag sa monthly expenses ng ating mga commuter. Hindi makatao at maka-commuter ang ganitong uri ng polisiya,” dagdag nito.

Sinabi naman sa grupo ni Kabataan party-list representative Raoul Danniel Manuel na walang ibang maaapektuhan aniya sa fare increase na ito kundi ang mga estudyante, partikular na yaong mga nag-aaral sa University-Belt area sa Maynila.

“Nauna pang maging beinte pesos ang minimum na pamasahe sa tren kaysa presyo ng bigas! Kawawa po ang mga estudyanteng commuter, lalo na sa U-belt dahil wala namang ibang choice (sila para makapasok sa kani-kanilang eskuwelahan),” ayon sa grupo ni Manuel.

Dismayado ito dahil hinahayaan aniya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tumataas-nang-tumataas ang bayarin sa pamasahe at sa tuition nang hindi tiyak ang pagtaas ng kalidad ng serbisyo.

“Ang tiyak lang na kikita ang mga negosyante. Dapat itigil na natin ang pribatisasyon at tiyakin ang suporta at pondo ng gobyerno para sa mga serbisyo sa publiko,” ayon pa sa grupo. (PRIMITIVO MAKILING)

28

Related posts

Leave a Comment