(NI JESSE KABEL)
MASUSUBUKAN ngayon kung gaano kaepektibo ang mga bagong porgrama ng Philippine National Police (PNP) sa pagtulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsugpo ng Communist Party of the Philippine (CPP) at sa armadong galamay nito na New People’s Army (NPA).
Sa ulat na isinumite kay PNP chief P/Gen Oscar Albayalde, pinasimulan ng PNP-Regional Police Office 4A ang kanilang itinatag na Regional Task Force To End Local Communist Armed Conflict of Region 4A o RTF-ELCAC 4A.
Nabatid na ito ay kauna- unahang hakbang na pinasimulan mismo ng PNP Region 4A sa Pilipinas para tutukan ang armadong tunggalian sa pagitan ng government forces at Communists Parties of the Philippines-New People’s Army -National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF).
Mismong si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang nanguna sa paglulunsad na dinaluhan din ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na miyembro ng Regional Task Force.
Ayon kay Año ang pinakamabisang sandata sa pagbaka sa insureksyon ay ang implementasyon ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) habang pinaiigting ang mga nakalatag na interventions and campaign plans na tumutugon sa ugat ng insurgency.
Sa nasabing aktibidad ay nagkaroon ng Threat Situation Update, Campaign Overview, RTF-ELCAC 4A Updates, Updates on Tabletop Exercise on Convergence na pinangunahan ng mga kasapi ng AFP 2nd Infantry Division (2ID), at 202nd Brigade ng Philippine Army .
Naniniwala si Año na gagayahin ng iba pang rehiyon ang RTF-ELCAC at lilikha ng sectoral unifications kung saan tukoy ang mga lugar na may hidwaan.
“We will form the 12 clusters under the Regional Task Force and conduct series of meetings and workshops aligning in the composition of the National Task Force,” pahayag pa ng kalihim.
117