CLICKBAIT ni JO BARLIZO
TAPOS na ang Semana Santa. Isapuso pa kaya ng mga nagnilay, nagpenitensya, naglinis ng kasalanan at nagpadama ng pag-ibig ngayong balik-reyalidad na sila sa natural na takbo ng buhay?
Muli, haharapin ang dikta ng panahon, atas ng nararapat na gampanan sa pagsulong ng itinakdang tungkulin.
At heto na naman ang haharapin – ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sa isang survey, lumabas na 69 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang una nilang ipinag-aalala.
Sumusunod ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.
Ang tanong: kasya pa ba ang kinikita ng Pinoy sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin?
Ayan, may ilang umapela na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sertipikahang urgent ang panukalang batas sa P200 dagdag-sahod ng mga minimum wage earner sa pribadong sektor.
Ayon kay House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal 4th District Representative Fidel Nograles, nakikiusap din kay Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang umento sa sahod, natapos na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang pagrepaso sa mga panukalang wage increase at ang kailangan ngayon ay ang aksyon ng Pangulo.
Pinamamadaling sertipikahang urgent ni BBM ang umento, pero may tsansa kayang maipasa ang panukalang wage hike sa pagbabalik ng session ng Kongreso sa Hunyo?
Kailangan na talaga ang umento sa sahod dahil bukod sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay may pagtaas ding hinihintay ang pamasahe, at iba pang gastusin.
Maraming negosyo ang posible raw magsara at lumipat ng ibang bansa. Maaari rin daw na magresulta ang umento sa pagbabawas ng mga empleyado, pumalo ang presyo ng mga bilihin at gastusin.
Naku, may umento nga, kung mangyayari, pero dagdag-gastos din pala sa pagbili ng mga produkto at serbisyo.
Natural talaga na tututol ang mga negosyante kaya kailangang timbangin ng gobyerno ang kapakanan ng mga manggagawa at ng mga namumuhunan.
Pero, kung pag-uukulan ng pansin, hindi pa rin sapat ang umentong P200 para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa.
Sabagay, pwede na ‘yan kaysa P100 umentong bersyon ng Senado na ‘di malaman kelan mangyayari. Kaya pwede na ‘yan kaysa wala.
Kaso, mangyari kaya lalo na’t mapapalitan ang ibang mambabatas pagkatapos ng eleksyon sa Mayo.
Kumapit na lang sa pag-asa, pero mas mahigpit ang kapit sa tsansa kung maihahalal ang mga kandidato na kapakanan ng mga manggagawa at mamamayan ang inuuna kaysa personal na interes at pakinabang.
Paka-iwasan din iyong mga puro bola o pangakong malabo pa sa sabaw ng pusit kung magkakatotoo. Tingnan n’yo na lang iyong nangako noon ng sampung libong piso kada pamilya, mas tahimik pa ata kay Mark Villar.
Kaya suriing mabuti ang mga kandidato bago bumoto nang huwag magpenitensya kahit hindi na Semana Santa.
