MARAMING BENEPISYO PARA SA MGA KONSYUMER

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

PINIRMAHAN na ni Presidente Bongbong Marcos ang batas na nagbibigay ng panibagong 25 years na prangkisa sa Meralco – isang hakbang na magsisigurong tuluy-tuloy pa rin ang paghahatid ng serbisyo ng kuryente ng kumpanya sa mga paparating na taon.

Bagama’t magandang balita ito dahil hindi nabalot ng pulitika ang naturang prangkisa, marami pa rin ang tila may mga haka-haka ukol sa pagre-renew ng prangkisa ng Meralco. Ganoon naman talaga dahil alam nating lahat na napakahalaga ng maayos na serbisyo ng kuryente – dahil halos lahat tayo’y gumagamit nito, at mahalaga rin ito sa mga industriyang bumubuhay sa ating ekonomiya.

Pero sa kabila ng mga tanong at pagdududa, wala namang dalang malinaw na alternatibong iniaalok ang mga bumabatikos. Pakinggan natin silang mabuti – unawain kung ano ba ang mga isyu, at ano ba ang gusto nilang gawin. Kung tutuusin, lahat naman ay nasagot na at naipaliwanag, marami lang sa kanila ang hindi bukas ang pag-iisip, o kaya naman ay may ibang interes na pinoprotektahan.

Sa kabila nito, kailangan nating bigyang-pansin ang mga benepisyong dala ng patuloy na operasyon ng Meralco na kasalukuyang nagseserbisyo sa Metro Manila at ilang mga karatig-probinsya na kinikilalang high-growth areas. Dahil wala namang paglabag są batas o mandato nito, nararapat lang na maipagpatuloy ng Meralco ang pagsisilbi sa mga konsyumer. Sa likod ng kumpanya, ang mga tauhan at mga crew na hindi tumitigil mag-serbisyo 24/7 – may kalamidad man, baha o bagyo, o kahit na nga holiday at karamihan sa atin ay nagbabakasyon at walang pasok, hindi pa rin tumitigil sa pagresponde sa mga problema sa kuryente ang kumpanya.

Pinatunayan nila ito nitong nagdaang Semana Santa, kung saan makikita ang mga basket truck at mga sasakyan ng kumpanya, kasama ang mga crew na hindi pa rin tumitigil sa pagtatrabaho.

Hindi natin ito nakikita kadalasan dahil ang napapansin lang natin ay ang bayarin sa kuryenteng nakonsumo na natin, o kaya ang abala sa pagkaantala ng serbisyo. Pero kung iisipin natin, mas mahirap kung wala ang maaasahan nating mga tauhang tutugon kung mayroon tayong alalahanin sa kuryente.

Malawak ang benepisyo ng pagkaapruba ng panibagong prangkisa ng Meralco. Sinisiguro ng kumpanya ang stability ng serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng pinapatibay nitong distribution network at pati na rin ang mga tauhang responsable sa networks system at customer care group ng kumpanya. Dahil sa kanila, hindi tayo nag-aalalang mawawalan tayo ng kuryente, o magkakaroon ng malawakang pagkaantala ng serbisyo. Sigurado na tayo na kahit ano ang mangyari, mayroon tayong kuryente.

Pero hindi alam ng lahat na isa sa talagang pinagbubuhusan ng pera at panahon ng kumpanya ay ang pagsigurong kaya ng system at mga tauhan nitong tugunan ang lumalaki at nagbabagong pangangailangan sa kuryente – sa pamamagitan ng mga proyektong nakatuon sa inobasyon at modernisasyon. Nitong mga nakaraang taon, unti-unti nang isinusulong ng Meralco ang paggamit ng smart meters, renewable energy sources, at iba pang makabagong teknolohiya upang mapabuti ang serbisyo sa mga customer. Ang pagpapatuloy ng kanilang prangkisa ay magbibigay-daan sa mas maraming ganitong proyekto, na makikinabang hindi lang ang mga negosyo kundi pati na rin ang mga ordinaryong mamamayan.

Nagsisilbing pagkakataon ang pag-renew ng prangkisa ng Meralco para patuloy na magsilbi sa mga Pilipino. Nagpasalamat si Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan kay Pangulong Marcos, at pati na rin sa Kongreso at Senado na napakahalaga ng ginampanang papel para masigurong makikinabang ang mga Pilipino sa naturang batas.

Ani Pangilinan, importante ang prangkisa para tuluyang maipatupad ang mga pangmatagalang proyekto ng kumpanya na mas magpapabuti pa sa serbisyo ng kuryente; at siniguro rin niyang patuloy na magiging transparent at compliant ang kumpanya, at maghahatid ng serbisyo sa mas marami pang Pilipino.

308

Related posts

Leave a Comment