Inihimlay sa Libingan ng mga Bayani NORA AUNOR GINAWARAN NG AFP NG MILITARY FUNERAL HONOR

BILANG isang dakilang alagad ng Sining at kabilang sa hanay ng National Artists, inihimlay kahapon ng tanghali si Ms. Nora Aunor sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Si Nora Cabaltera Villamayor sa totoong buhay, ay pinagkalooban ng Armed Forces of the Philippines ng full funeral honor bago siya tuluyang inilibing sa Libingan ng mga Bayani.

Idineklara naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Abril 22, 2025, araw ng Martes, bilang Day of National Mourning para sa pagpanaw ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.

Ang national flag ay dapat na naka-half-mast mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw, sa lahat ng gusali ng gobyerno at instalasyon sa buong Pilipinas at sa ibang bansa nitong araw ng Abril 22, ayon sa Proclamation 870 na nilagdaan ni Pangulong Marcos, araw ng Lunes.

Sa Maynila, inilagay sa half-mast ang watawat ng Pilipinas sa kartilya ng Katipunan sa Manila City Hall bilang pagpupugay at pagluluksa sa pagpanaw ng isang National Artist.

Bago tuluyang inihatid ang labi ni La Aunor sa kanyang huling hantungan ganap na alas dose ng tanghali nitong Martes, pinagkalooban muna ito ng necrological service sa Metropolitan Theater na dinaluhan ng nina Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo, bukod sa malalapit na mga kamag anak at kaibigan para magbigay pasasalamat sa iniwang legacy ng nag-iisang Superstar.

“Maraming salamat, Ate Guy, sa mga alaala, sa sining at sa pagmamahal na inukit mo sa kasaysayan ng ating kultura. Habambuhay kang mananatiling buhay sa puso ng iyong mga tagahanga at sa sining na hindi kailanman malilimutan,” ani Lacuna.

Sa ginanap na state necrological service sa Metropolitan Theater ay nag-alay ng kanilang eulogies ang kapwa niya National Artist na si Ricky Lee at actor-director Joel Lamangan.

Kasunod nito ang departure honor para sa labi ni Nora na ang kabaong ay nababalutan ng bandila ng Pilipinas, na binuhat ng military pallbearers at sinundan ito ng funeral march mula sa heroes’gate hanggang hanggang sa kanyang burial site.

Nakasaad sa Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines na ang watawat ay dapat na nakawagayway nang half-mast bilang tanda ng pagluluksa sa lahat ng mga gusali at lugar kung saan ito ay ipinakikita sa araw ng interment ng isang tumanggap ng National Artist award.

“The passing of National Artist for Film and Broadcast Nora Cabaltera Villamayor, also known as Nora Aunor, is a great loss to the Filipino people and to the nation’s cultural and artistic community,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa Proclamation 870.

(JESSE KABEL RUIZ)

30

Related posts

Leave a Comment