MAYOR-ELECT ISKO, NANUMPA NA BILANG BAGONG ALKALDE NG LUNGSOD NG MAYNILA

HUMARAP sa Korte Suprema si Manila Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso para manumpa sa kanyang gagampanang tungkulin bilang bagong halal na lider ng lungsod bago ang kanyang ‘transition’ sa Hunyo 30.

Ayon sa Transition Team ni Domagoso, nanumpa ito kay Supreme Court Associate Justice Antonio Kho Jr. nitong Mayo 19, 2025, ng alas-2:00 ng hapon sa Supreme Court En Banc Session Hall sa Ermita, Manila.

Kumpleto ang pamilya ng nagbabalik na alkalde ng Maynila sa pangunguna ng maybahay na si Dynee; mga anak na sina Patrick, Frances, at Franco gayundin ang 1st District Councilor-elect ng Manila na si Joaquin Domagoso, na nanumpa rin sa harap ni Justice Kho.

Ayon kay incoming Manila City Information Officer E-jhay Talagtag, para markahan ng bagong alkalde ang pagbabalik sa Manila City Hall ay mas pinili ang isang simpleng seremonya.

Sa mga gustong dumalo sa kanyang oath taking, humingi ng paumanhin ang alkalde. Paliwanag niya, nais niyang mapabilis ang oath taking para makapagsimula kaagad siya ng trabaho sa Hunyo 30 ng tanghali.

Dahil nahaharap sa maraming hamon ang lungsod, tiniyak ng pamunuan ni Domagoso na hindi magsayang ng oras dahil higit ngayon na nangangailangan ng agarang atensyon at pagtugon.

Ang nakuhang malaking suporta ni Domagoso mula sa mga botante ay sumasalamin sa matinding pagnanais ng mga Manileño na ibalik ang isang 24/7 na gobyerno na kilala sa mabilis na pagkilos at epektibong solusyon.

(JOCELYN DOMENDEN)

57

Related posts

Leave a Comment