BOMB EXPERT NAGBALIK-LOOB SA PAMAHALAAN

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Tuluyan nang isinuko ng isang kilalang bomb expert mula sa hanay ng lokal na grupong terorista, ang kanyang sarili sa pamahalaan sa pamamagitan ng 1st Brigade Combat Team (1BCT) nitong nakalipas na linggo sa bayan ng Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Ayon kay Brigadier General Jose Vladimir Cagara, commander ng 1BCT, hindi muna ibinunyag ang pagkakakilanlan ng nasabing indibidwal para sa kanyang seguridad.

Ang 35-anyos na dating rebelde ay boluntaryong sumuko bunsod ng matinding takot sa kanyang kaligtasan dulot ng sunod-sunod at pinaigting na operasyon ng militar laban sa kanilang grupo.

Dagdag pa rito, idinulog ng dating terorista ang hirap, gutom, at pagod na naranasan sa patuloy na pagtatago sa kabundukan at kagubatan.

Kasabay ng kanyang pagbabalik-loob, isinuko rin ng dating bomb expert ang mga kagamitang pandigma na kinabibilangan ng isang Uzi 9mm submachine gun at isang 60mm improvised explosive device (IED).

Pinuri naman ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang naging desisyon ng dating rebelde.

Sa kanyang pahayag, sinabi niya: “Ang pagbabalik-loob ng isang bihasang bomb expert ay isang malaking tagumpay sa ating kampanya kontra terorismo.

Sa halip na maghasik ng karahasan, mas pinili niyang tahakin ang landas ng kapayapaan. Ito ay patunay na hindi pa huli ang lahat para sa sinoman na nagnanais ng pagbabago at bagong simula.

Nawa’y magsilbing inspirasyon ito sa iba pang naliligaw ng landas na may lugar pa rin para sa kanila sa ating lipunan.

Kami ay naninindigan na ang pamahalaan ay laging handang tumanggap ng sinomang nagnanais magbagong-buhay para sa ikabubuti ng ating bayan.”

Ang 6ID at JTF-Central ay patuloy na nananawagan sa natitirang mga kasapi ng armadong grupo na isuko ang kanilang armas at tanggapin ang programang reintegrasyon ng pamahalaan para sa isang mapayapa at maunlad na kinabukasan.

(JESSE KABEL RUIZ)

67

Related posts

Leave a Comment