Atty. Rodriguez sinang-ayunan ng CBCP PALPAK NA GOBYERNO ISISI SA PRESIDENTE HINDI SA GABINETE

MISTULANG sinang-ayunan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pahayag ni dating executive secretary Vic Rodriguez na nasa Pangulo ang problema kaya hindi maayos ang takbo ng gobyerno.

Nitong weekend, naglabas din ng pahayag si Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP na hindi dapat isisi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang gabinete ang palpak na pamamalakad sa pamahalaan.

Kasunod ito ng utos ng Palasyo na maghain ng courtesy resignation ang mga gabinete ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Secillano, ang punong ehekutibo ang may pangunahing pananagutan sa gobyerno.

Hindi aniya makatarungan na ang mga kalihim ang sisihin sa mabagal at hindi matagumpay na pamamalakad ng pamahalaan.

Kung mahusay at epektibo aniya ang pamumuno ay awtomatiko namang susunod ang pamahalaan.

Nauna rito, nagbigay rin ng kanyang opinyon sa biglaang balasahan sa gabinete noong Huwebes, Mayo 22, si Atty. Rodriguez.

Inihalintulad niya bilang “cosmetic change” ang rigodon.

“Cosmetic change lamang ito. Sapagkat ang pinakamalayong maaabot ng paghingi niya [PBBM] ng courtesy resignation, pag-revamp, pag-reshuffle, o pagpalit-palit ng kanyang mga gabinete, sekretaryo, ay cosmetic change,” bahagi ng komento ni Rodriguez sa kanyang Facebook live.

“Many of them [cabinet members] are hardworking. Many of them are really good people and deserve to stay in their respective offices. Pero hindi lang naman alter ego ng presidente ang problema e. Ang problema mismo ay walang direksyon na tinatahak na tama ang administrasyon ni Bongbong Marcos,” giit pa niya.

Matatandaang iginiit ni Marcos na ang direktiba niya ay naglalayong mabigyan siya ng pagkakataon upang suriin ang “performance” ng bawat kalihim.

Ngunit para kay Rodriguez, kahit magpalit-palit pa umano ng mga miyembro ng gabinete ay na kay Marcos mismo ang problema.

“So kahit magpalit-palit ng mga gabinete nagmumula po lahat ‘yan sa lider. Kaya ito ay malinaw na pag-amin na talagang ang unang kalahating bahagi ng kaniyang [6 na taong] termino bilang Pangulo is a failure,” anang dating executive secretary.

Inaasahan namang magbibigay ng pahayag ang Palasyo hinggil sa pahayag ng dalawang nabanggit ngayon Lunes.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

63

Related posts

Leave a Comment