UMAPELA si Senator-elect Erwin Tulfo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa lokal na pamahalaan ng Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan na agad tanggalin ang lahat ng ilegal na gate, bakod, at barikada na umano’y itinayo ng isang pribadong indibidwal na kinilalang “JJ Javier” sa mga timber land sa Barangay Kalawakan.
Ito ay matapos ang isinagawang inspeksyon ni Tulfo kasama si DRT Mayor Ronaldo Flores at mga kinatawan ng DENR Community Environment and Natural Resources Office – Baliwag sa naturang lugar kung saan personal niyang nasaksihan kung gaano ginagambala ng mga harang ni Javier ang pamumuhay ng mga residente sa lugar.
“Hindi ito katanggap-tanggap. Ang mga ilegal na gate at barikadang ito ay humaharang sa daan at sa hanapbuhay ng mga tao. Personal kong tututukan ito upang masigurong maresolba agad. Sa pakikipagtulungan sa DENR, LGU, at pulisya, sisiguraduhin kong magigiba ang mga ito bago mag-Hunyo 30,” pahayag ni Tulfo.
Agad ding ipinatawag ng mambabatas ang DENR Region III para masolusyonan na ang problema na taon nang pasakit sa kagubatan. Aniya, ito ay mga forest lands at hindi dapat ginagawang pansariling lupain ng sinoman. Nitong Mayo, lumapit kay Tulfo ang mga miyembro ng Aniban ng mga Magsasaka, Mangingisda, at Manggagawa sa Agrikultura (AMMMA), DRT Bulacan Chapter para ireklamo si JJ Javier na di umano’y nasa likod ng mga ilegal na harang at inaakusahang gumagamit ng pananakot, karahasan, at pagbabanta upang mangamkam ng timber lands sa Brgy. Kalawakan.
“Walang sinuman ang dapat manakot o manggipit para agawin ang mga lupain ng taumbayan. Hindi ako natatakot—mapa-makapangyarihan man o hindi. Sisiguraduhin kong mapaalis ang mga iligal na okupante sa ating mga kagubatan,” giit ni Tulfo. Binigyang-diin din ng Senator-elect ang pangangailangan ng mabilis at magkakaugnay na aksyon mula sa DENR, LGU ng DRT, at Philippine National Police upang tuluyang masolusyunan ang isyu.
“Bilang mambabatas, gagamitin ko ang aking oversight powers upang matiyak na naipatutupad ang mga batas na nagpoprotekta sa mga pampublikong lupa,” dagdag ni Tulfo.”Ang pinaka una ko pong gagawin bilang Senador ay protektahan ang kagubatan at sisiguraduhin kong nasa maayos na sitwasyon ang ating mga lokal na magsasaka.” pagtatapos niya.
