HINDI lang sa bahagi ng Taal Lake inihulog ang mga nawawalang sabungero dahil marami sa kanila ang sinunog o kaya’y ibinaon sa ibang lugar.
Bahagi ito ng ibinunyag ni PNP chief General Nicolas Torre lll sa isinagawang press briefing sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga, Hulyo 07.
Ito ay batay na rin sa salaysay ng iba pang saksi at sa kasalukuyan ay patuloy itong biniberipika ng PNP.
Inamin naman ni Torre, nagkausap na sila noon ni Julie Patidongan, alyas “Totoy” at kinilabutan umano siya sa mga rebelasyon nito.
Alam na umano niya ang kwento noong siya pa ang director ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG.
15 Pulis Kinostudiya ng PNP
Kaugnay nito, nasa kustodiya na ng PNP ang 15 pulis na inuugnay sa mga missing sabungero.
Sinabi ni Torre, sa press briefing sa Camp Crame, Lunes ng umaga na ang mga ito ay mula sa iba’t ibang yunit ng pulisya at ang pinakamataas ay may ranggong Police Lt. Colonel.
Aniya, tatlo sa mga pulis ay dismiss na sa serbisyo habang ang iba ay aktibo pa at ang isa ay malapit nang magretiro.
Posibleng tataas pa sa 15 mga pulis na sangkot sa pagkawala ng mga sabongero, base na rin sa salaysay ng iba pang saksi.
Kinumpirma naman ng hepe ng Pambansang Pulisya na nasa kanilang pangangalaga ang whistleblower na si alyas “Totoy” at nag-a-aply sa witness protection program.
(TOTO NABAJA)
