MARCOS KINALAMPAG SA LUMALALANG KAHIRAPAN

MARAMING pamilyang Pilipino ang dalawang beses na lamang kumakain kada araw dahil sa lumalalang kahirapan sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi natugunan sa unang tatlong taon nito sa kapangyarihan.

Reklamo ito ng mga miyembro ng Gabriela na sumugod kahapon sa Department of Agriculture (DA) para sa pagsisimula ng kanilang “Kalampagan Protest” sa pagsisimula ng huling tatlong taon ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Cora Agovida, deputy secretary general ng Gabriela, isa sa bawat limang pamilyang Pilipino o katumbas ng 20% ang nakararanas ng gutom base sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS).

“Dito na lang sa Quezon City, ilang kababaihan na ang nakausap namin mula sa maralitang mga komunidad na nagsabing madalas isa hanggang dalawang beses na lang sila kung kumain para makatipid,” ani Agovida.

Walang ibang nasasakripisyo kundi ang mga anak ng mga pamilyang ito kaya may mga nanay aniya ang hindi na lamang kumakain upang hindi magutom ang kanilang mga supling.

“Dito na yan sa sentrong siyudad ng QC, paano pa sa ibang mga probinsya na mas mahirap ang buhay? Pinakamataas na nga ang sahod dito sa NCR (National Capital Region), pero napakalayo pa rin sa nakabubuhay na antas,” ayon pa kay Agovida.

Hindi rin umaasa ang grupo na makatutulong ang P50 na umento sa mga manggagawa sa NCR dahil malayo ito sa P1,200 na tinataya ng IBON Foundation na dapat kitain ng isang pamilya kada araw para magkaroon ng disenteng pamumuhay.

“Maski ang pangakong P20/kg bigas iaasa sa import. Malawak ang palayan sa ating bansa, bakit hindi tiyakin ng DA na mapakinabangan ito ng mamamayang Pilipino? Nasaan ang suporta sa lokal na mga magsasaka?” tanong pa ni Agovida.

(BERNARD TAGUINOD)

42

Related posts

Leave a Comment