MGA MAKATAO AT MAKABAGONG PANUKALA NI CONG. BONG SUNTAY

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA panahong maraming Pilipino ang humaharap sa krisis sa edukasyon, kahirapan, at kakulangan sa tulong mula sa pamahalaan, isang sinag ng pag-asa ang limang makabuluhang panukalang batas na inihain ni Congressman Bong Suntay.

Layunin ng mga panukalang ito na hindi lang maglatag ng mga solusyon, kundi tiyaking tunay na mararamdaman ng mamamayan ang malasakit ng gobyerno at ng pribadong sektor.

Isa sa mga pangunahing panukala ni Rep. Suntay ay ang pagpapalawak ng suporta para sa mga batang may espesyal na pangangailangan.

Hindi lamang autism ang tinutukoy dito kundi pati ang ADHD, dyslexia, at iba pa. Sa pamamagitan ng mas malawak na training para sa mga guro at mas inklusibong silid-aralan, binibigyang-halaga ang karapatan ng bawat bata sa de-kalidad at pantay na edukasyon.

Tinutukan din ni Rep. Suntay ang isyu ng pag-aaksaya ng pagkain. Sa panukalang layuning bawasan ng kalahati ang food waste bago sumapit ang 2030, hinihikayat ang mga negosyo na maging responsable sa paghawak ng pagkain at itaguyod ang mas ligtas at epektibong pamamahagi nito sa mga nangangailangan. Isang hakbang ito tungo sa pambansang seguridad sa pagkain.

Hindi rin pinalampas ng mambabatas ang kakulangan sa kalidad ng edukasyon sa pampublikong paaralan. Sa ilalim ng isa pang panukala, isinusulong ang modernisasyon ng mga eskwelahan mula sa pagpapabuti ng reading at critical thinking skills ng mga mag-aaral, hanggang sa pagpapaayos ng mga silid-aklatan, laboratoryo, at pasilidad pangteknolohiya.

Kaugnay nito, nais ding ayusin ni Rep. Suntay ang sistema ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) upang masigurong nakararating ito sa mga tunay na nangangailangan. Kabilang sa kanyang panukala ang mas mahigpit na pamantayan sa pagpili ng benepisyaryo, at ang pagsasanay o community service para sa mga abled-bodied recipients na isang magandang balanse ng pagtulong at pagtuturo ng responsibilidad.

Huli sa listahan pero hindi pahuhuli sa halaga, ang panukala tungkol sa Corporate Social Responsibility (CSR) na naglalayong gawing makabuluhan ang mga pondong nakalaan ng mga kumpanya para sa lipunan. Sa pamamagitan ng malinaw na patakaran at parusa sa maling paggamit, sisiguraduhin nitong ang CSR ay hindi lamang porma, kundi tunay na may saysay.

Hindi madali ang maghain ng panukalang batas, lalo na kung ito ay tututok sa maraming sektor ng lipunan. Ngunit sa halip na sumunod lang sa agos, pinili ni Congressman Bong Suntay na maging lider ng pagbabago. Ang kanyang mga panukala ay konkretong sagot sa mga hamon ng kasalukuyan at panawagan para sa makatao, makatarungan, at makabagong pamumuno.

Nararapat lamang na suportahan ng mga kapwa niya mambabatas ang mga panukalang ito. Sapagka’t sa huli, ang tunay na layunin ng batas ay hindi lamang gumawa ng patakaran kundi tiyaking ang bawat Pilipino ay may lugar sa isang makatao at makatarungang lipunan.

25

Related posts

Leave a Comment