CAVITE – Sugatan ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng motorcycle rider sa harapan ng kanyang shop sa bayan ng Naic sa lalawigan nitong Martes ng madaling araw.
Nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si alyas “Xin”, 28, ng Brgy. Halang, Naic, Cavite dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Inilarawan naman ang suspek na nakasuot ng long sleeve shirt at pulang helmet at nakamotorsiklo.
Ayon sa ulat, dakong ala-1:20 kahapon ng madaling araw nang marinig ng biktima na may tumigil na motorsiklo sa harapan ng kanyang shop sa Brgy. Halang kaya lumabas ito upang usisain.
Ngunit nakita niya ang isang lalaking bumaba sa motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.
Nagkunwaring patay ang biktima matapos tamaan ng bala kaya mabilis na umalis ang suspek lulan ng motorsiklo patungo sa ‘di nabatid na direksyon.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV sa lugar para sa pagkakakilanlan at posibleng pagkakaaresto sa suspek.
(SIGFRED ADUARA)
