OFW SA QATAR HUMIHINGI NG TULONG SA PANG-AABUSO NG AMO

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

HUMIHINGI ng agarang tulong ang isang 27-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na si Lovely Rose Gomez Arellado matapos umanong makaranas ng matinding pang-aabuso mula sa kanyang employer sa Doha, Qatar.

Si Lovely Rose, na tubong Parañaque City, ay lumipad patungong Qatar noong Nobyembre 25, 2024 upang magtrabaho bilang kasambahay. Siya ay na-deploy sa ilalim ng Arandrea Manpower Service Co. sa Pilipinas at Doha Torch Manpower na kanyang Foreign Recruitment Agency (FRA) sa Qatar. Siya ay nagtatrabaho sa ilalim ng employer na si Al-Qahtani na naninirahan sa Doha.

Ayon sa kanyang pamilya, si Lovely Rose ay hindi pinasasahod, hindi pinakakain nang maayos, at higit pa rito, ay sinasaktan at binubugbog. Sa kabila ng limitadong komunikasyon, nakapagpadala siya ng mensahe sa kanyang mga kaanak upang humingi ng tulong bago pa lumala ang kanyang kalagayan.

Ang kanyang kapatid na si Jaybert Gomez Arellado at pinsan na si Mark Wally Manlutac, na parehong nakatira sa Parañaque, ay agarang kumontak sa OFW JUAN at kay Espie Miranda ng WE AIM OFW, at nananawagan ng agarang aksyon upang masagip si Lovely Rose at mapauwi sa Pilipinas.

“Hindi na ligtas ang kalagayan ng kapatid ko. Natatakot na kami para sa kanyang buhay,” pahayag ni Jaybert. “Ang hiling lang namin ay makauwi siya nang ligtas.”

Sa kasalukuyan, hindi pa rin matagumpay ang mga pagtatangkang makontak ang employer at ang Foreign Recruitment Agency sa Qatar. Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang OFW JUAN sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang mapabilis ang proseso ng pag-rescue at repatriation.

Si Lovely Rose ay isa lamang sa napakaraming mga OFW na sa halip na magandang kinabukasan ang matagpuan sa ibang bansa, ay sinubok ng matinding kalupitan. Ang kanyang kaso ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng mahigpit na pagbabantay sa recruitment agencies at mas matatag na kasunduan sa proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.

19

Related posts

Leave a Comment