24K KATAO APEKTADO KAY CRISING, MAG-UTOL PATAY

UMABOT sa 24,000 indibidwal ang apektado ng patuloy pag-ulan dala ng Bagyong Crising, ayon sa inisyal na ulat na inilabas nitong Biyernes ng umaga ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), habang isang magkapatid ang namatay.

Ayon sa inisyal report, namatay ang magkapatid nang mabagsakan sila ng puno ng acacia habang lulan ng motorsiklo sa kasagsagan ng pag-ulan sa bayan ng Ocampo sa lalawigan ng Camarines Sur nitong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Major Bernardo Peñero, hepe ng Ocampo Police Station, nasawi ang magkapatid na sina Christian Benlayo, 36, at Freddy Mar, 33, habang binabaybay ang kahabaan ng Gov. Fuentebella Highway sakop ng Barangay New Moriones pasado alas-12:00 ng tanghali nang biglang mabunot ang isang malaking puno at bumagsak sa kalsada at nahagip ang mga biktima.

Samantala, inihayag ng NDRRMC, kasalukuyan pa silang nangangalap ng datos hinggil sa naging epekto ni Crising na kasalukuyang nanalasa sa malaking bahagi ng bansa.

Nasa 23, 918 ang reported affected individuals mula sa Region 6, Region 7 at Region 12.  Sinasabing mahigit sa 7,500 na pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa bahagi ng Western at Central Visayas at SOCCSKSARGEN sa Mindanao bunsod ng mga pagbaha dulot ng tropical storm Crising, ayon sa NDRRMC.

Nitong Biyernes, sampung lalawigan ang inilagay ng PAGASA sa ilalim ng Typhoon Warning Signal Number 2 matapos na lumakas pa ang bagyong Crising bilang isang tropical storm mula sa pagiging tropical depression habang tinatahak ang lalawigan ng Cagayan.

Ang tinatayang sentro ng bagyo ay nasa layong 335 km silangan ng Echague, Isabela o 325 km silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Kumikilos ito ng pahilagang kanluran sa bilis na 20 km/h. Inaasahang mag-landfall si Crising sa Cagayan o Babuyan Islands Biyernes ng gabi, at magiging severe tropical storm pagsapit ng Sabado bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng hapon,

taglay nito ang lakas ng hangin na 65 km/h at pagbugsong 80 km/h.

May mga naitala ring landslide sanhi ng walang tigil na pag-ulan sa Barangay Lagtang sa Talisay, Cebu, at sa mga barangay ng Apas at Poblacion Pardo sa Cebu City bukod sa reported floodings.

Nasa red alert status na ang buong probinsya ng Cagayan kaya lalo pang pinaigting ang kahandaan sa posibleng pagtama ng bagyo.

(JESSE RUIZ)

68

Related posts

Leave a Comment