LUMILIKHA ng malaking bitak si dating Senador Antonio Trillanes sa mga kaalyado nang batikusin nito si Naga City Mayor at dating vice president Leni Robredo kaugnay ng pahayag nito hinggil sa pakikipag-alyansa para matiyak ang panalo sa halalan.
Sa isang online interview, sinabi ni Trillanes na ang pahayag ni Robredo ay tumutukoy umano sa posibilidad ng pakikipag-alyansa sa pamilya Duterte at kanilang mga kaalyado sa Senado.
“Binasa ko iyong statement ni former VP Leni at ngayon Mayor Leni na okay lang daw makipag-alyansa sila sa mga Duterte para daw pragmatic. Ibang usapan na iyon,” ani Trillanes.
“Hindi ko matatanggap iyon. Kaya hindi ako sang-ayon sa sinabi ni Leni na okay lang makipag-alyansa sa mga Duterte para lang manalo sa eleksyon,” dagdag pa niya.
Gayunman, nilinaw ni Trillanes na ang kanyang pahayag ay batay lamang sa kanyang hinala at sa mga nakaraang pangyayari, kabilang na ang naging pulong nina Robredo at Vice President Sara Duterte noong 2024.
Matagal nang sinusuportahan ni Trillanes si Senator Risa Hontiveros sa pagtakbo bilang presidente sa 2028.
Natalo si Trillanes nang tumakbo ito sa nagdaang May 2025 election bilang mayor ng Caloocan. Talo rin si Trillanes nang tumakbo itong senador noong 2022. Talo rin ang Magdalo Partylist sa nakaraang dalawang eleksyon. (EG)
