HALOS DOBLENG PONDO NG KAMARA KINUWESTYON

KINUWESTYON ng ilang grupo at personalidad ang biglaang pagtaas ng pondo ng mababang kapulungan ng Kongreso gayung wala namang bagong distrito na nalikha o mambabatas na idinagdag.

Marami ang nagulat nang mabunyag na ang budget ng House of Representatives sa 2025 General Appropriations Act ay umakyat sa ₱33.670 bilyon mula sa dating ₱16.345 bilyon na nakasaad sa National Expenditure Program —tumalon ito ng ₱17.325 bilyon—kahit pa nabawasan ang pondo para sa batayang serbisyo gaya ng edukasyon, kalusugan, at agrikultura.

Tanong nila, bakit lumobo ang budget ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin Romualdez?

Lalong uminit ang usapin nang biglang lumutang muli sa Kongreso si Congresswoman Yedda Marie Romualdez sa pamamagitan ng Tingog Party-list. Dapat sana’y naka-exit na siya sa Kongreso dahil natapos na ang tatlong sunod na termino, pero nagulat ang lahat nang biglang umatras ang mas mataas na party-list nominees at siya’y umangat sa puwesto bilang ikatlong nominee—isang galaw na tila pag-ikot sa batas, ayon sa mga eksperto.

Ginamit ang Republic Act No. 7941 para palusutin ang “automatic succession” sa party-list, pero nilalabag umano nito ang saligang batas na nagsasabing tatlong sunod na termino lang ang maaaring itagal ng isang kinatawan. “Kung ganito pala, puwedeng gamitin ng kahit sinong congressman ang party-list para manatili sa kapangyarihan,” ayon Prof. Antonio Santos, isang political observer.

Dahil dati nang namuno si Yedda sa Committee on Accounts—ang komiteng may hawak sa pondo ng Kamara—marami ang nangangambang muling mapunta ang kontrol sa pondo sa kamay ng mag-asawang Romualdez. “Parang pag-aari na ng isang pamilya ang buong Kongreso,” puna pa ni Santos.

Nananawagan si Santos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makialam at magluklok ng bagong liderato sa Kamara—na hindi na dapat mula sa pamilya Romualdez. Habang papalapit ang pagbubukas ng ika-20 Kongreso, nakatutok ang bayan kung tutugon ang Pangulo sa panawagan ng pagbabago.

52

Related posts

Leave a Comment