Kapag hindi umaksyon kontra fake news SOCIAL MEDIA PLATFORMS MAHAHARAP SA PARUSA

BINALAAN ni Senador Sherwin Gatchalian ang malalaking social media platforms tulad ng Facebook na posibleng maharap sa aksyon ng pamahalaan kung hindi lilinisin ang kanilang platform mula sa fake news at disinformation.

“Sa mga nagdaang taon, malinaw na nakita natin kung paano ginagamit ng masasamang loob ang social media, tulad ng Facebook, bilang sandata para maghasik ng kasinungalingan, mag-udyok ng galit, at baluktutin ang opinyon ng publiko,” ayon kay Gatchalian.

Ginagawa anyang negosyo ang fake news at panlilinlang ang produkto.

Ayon sa senador, ang paglaganap ng fake news, misinformation, at disinformation ay umabot na sa mapanganib na antas, at ito ay isang banta hindi lamang sa katotohanan, kundi maging sa demokrasya at kaligtasan ng publiko.

“This is a clear and present danger to our democracy and public safety. Kung hindi nila kayang linisin ang sarili nilang bakuran, hindi mangingimi ang gobyernong kumilos laban sa kanila,” pahayag pa ni Gatchalian.

Binigyang-diin ng senador na bagama’t may kalayaan sa pagpapahayag, may responsibilidad din ang mga social media companies na tiyaking hindi sila nagiging daluyan ng maling impormasyon na maaaring makapinsala sa publiko.

Nanawagan si Gatchalian sa mas mahigpit na regulasyon at mas aktibong pakikilahok ng mga kumpanya sa pagtukoy at pagtanggal ng pekeng balita, lalo na kung ito ay nagpapalaganap ng takot, galit, at panlilinlang.

“Hindi natin kailangang hintayin pang magkaroon ng matinding insidente na bunga ng fake news bago tayo kumilos. Ang katotohanan ay dapat ipaglaban at ang kasinungalingan ay dapat labanan,” giit ng senador.

(DANG SAMSON-GARCIA)

37

Related posts

Leave a Comment