TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG
SA panahong tila paulit-ulit ang trahedya ng pagbaha sa lungsod, isang lider ang patuloy na nagiging tinig ng pagkilos at tagapagtaguyod ng solusyon para sa mga taga-District 4 ng Quezon City—si Congressman Bong Suntay.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ipinakita ni Cong. Suntay ang kanyang malasakit sa mga residente ng lungsod.
Ngunit sa pinakahuling hakbang upang isulong ang P12.743 bilyong Flood Mitigation Projects, pinatunayan niyang higit pa sa mga salita ang kanyang serbisyo.
Sinasabing sa pakikipagtulungan kina Mayor Joy Belmonte at Konsehal Miggy Suntay, binigyang- prayoridad nila ang kapakanan ng mga pamilyang taon-taon ay biktima ng baha, lalo na sa mga lugar gaya ng G. Araneta Avenue at Talayan Creek.
Hindi maliit na bagay ang mga planong inilahad: upgrading ng drainage systems na may P5 bilyong pondo, konstruksyon ng flood interceptors na nagkakahalaga ng P743 milyon, at ang dambuhalang stormwater tunnel system sa G. Araneta Avenue na may halagang P7 bilyon.
Aba’y sa kabuuan, ang mga proyektong ito ay bunga ng masusing pag-aaral ng Quezon City Department of Engineering at pakikipag-ugnayan sa DPWH—isang patunay ng maayos na pamumuno at epektibong representasyon ni Cong. Suntay sa pambansang antas.
Ang ganitong antas ng paninindigan ay hindi karaniwan. Ang kanyang panawagan na “ang datos ay malinaw, ang problema ay apurahan, at ang solusyon ay narito na” ay hindi lamang pananalita—ito’y isang diretsong pahayag ng responsableng pamumuno.
Kaya sa gitna ng tumitinding hamon ng pagbabago ng klima, si Cong. Bong Suntay ay hindi nanonood lamang—siya ay kumikilos.
Ang kanyang adbokasiya para sa climate resilience ay hindi lamang usaping teknikal, ito’y usapin ng dignidad at karapatang mabuhay nang ligtas ang bawat mamamayan.
Hindi maikakaila: sa puso ng bawat taga-District 4, si Cong. Bong Suntay ay hindi lamang mambabatas—siya ay tagapagtanggol ng buhay at kabuhayan.
At sa laban kontra baha, siya ang lider na kailangang sundan at suportahan.
