Report card ni Yorme Isko: Malinis, matinong gobyerno nadarama ng Manilenyo

PUNTO DE BISTA NI BAMBI PURISIMA

NAPANSIN n’yo ang napakalaking pagbabago sa Maynila sa loob lamang ng mahigit dalawang linggo, at kahit ang taga-labas ng siyudad, manghang-mangha.

Malinis na ang mga kalsada, ‘yung dating nakahambalang na walang disiplinang vendor na kung saan-saan lamang nagdudumi at nagtatapon ng basura, nawalis na, nalinis na.

Wala na ang amoy ihi at ebak, maaliwalas na sa mata ang paligid ng Divisoria, Carriedo, Blumentritt, Pedro Gil, Vito Cruz, palibot, paikot ng city hall at ng Quiapo, at iba pang public market.

Mabango na ang Maynila, hindi ‘yung dati ay nagpipigil ka ng paghinga, kasi ang bantot ng iyong masisinghot.

In more than two weeks, bilis-kilos sabi nga, bigay-todo na walang pigil at tuloy-tuloy ang serbisyong walang tulugan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Heto pa ang maganda, bukas sa publiko si Yorme, laging may report card kung ano na ba ang na-accomplish niya, ano ang ginagawa at gagawin pa.

Nang makipagkita sa Rotary Club of Manila noong Huwebes, July 17, umabot na sa 78 na miting, aktibidad at serbisyong Manilenyo ang ginawa niya mula nang maupo noong Hunyo 30.

Ating ilista: para maibalik ang ganda at sigla sa siyudad, 31 executive orders, 2 ordinances ang pinirmahan niya, teka, i-congratulate natin si Vice Mayor Chi Atienza at ang buong City Council — in two-week time, dalawang ordinansa ang agad nilang pinagtibay, wow!

Heto pa, mula Hunyo 30, nagsagawa si Yorme Isko ng 16 field inspections para masigurado na lahat ng departamento, ahensya at opisina ng gobyerno ng Maynila ay nagtatrabaho nang maayos sa pagsisilbi sa mamamayan.

At isa sa pinakamagandang ginawa niya ay ang paglilinis sa bangketa na may obstructions sa pedestrian tulad ng ipinagibang barangay hall na ipinagawa ng maangas na Kongresistang si Joel Chua na walang permit, walang koordinasyon sa city hall, at itinayo na panganib sa mga estudyante, motorista at sa publiko.

Saka na natin ito tatalakayin, ito ang EO ni Yorme Isko na ipraktis ng mga taong city hall ang Good Moral and Right Conduct — na wala yata niyon si Kinatawan Chua na ang ipinagibang barangay hall ay ginastusan ng P19-milyon na nilagyan pa ng pangalan niya.

Tanong: Pera niya ba ang ginastos sa gusaling ilegal na itinayo sa bangketa?

Paalaala ni Yorme, sa City Hall, ang kanyang opisina ang magiging modelo ng malaking pagbabago, “My office will be the Kilometer Zero of this policy. City Hall will lead by example.”

Iba pang EOs: lantad at bukas na trabaho sa taumbayan, tuloy-tuloy na paglilinis, at tuwing Sabado, pag-aalis ng mga sukal at bara sa mga kanal at imburnal, at muling pagbubuo ng mga komite at local special boards sa Maynila.

At laging siguruhin na maayos ang operasyon ng mga ospital, pasilidad, mga gamot at ang maayos na serbisyo ng mga doctor, narses at mga taong ospital.

Ngayong madalas ang pag-ulan at banta ng kalamidad, madalas na miting sa City Health Board, dalawang ulit sa City School Board, dalawang beses sa City Disaster Risk Reduction and Management Council, at minsan sa Manila Peace and Order Council.

Para mapagaan ang pasan sa balikat ng taxpayers ng Maynila, pinirmahan ni Yorne Isko ang General Tax Amnesty Ordinance at masayang pinirmahan ang 413 new businesses permits at nagkalaman ang kaha sa City Treasurer’s Office ng nakolektang P103-milyong buwis.

Tandaan na sa unang mga araw ni Yorme, halos nasimot ang pera ng Manilenyo, ang kaha de yero ay basyo halos, barya lamang ang natira.

Kung may ginawang krimen at kabulastugan ang isang tao — na sabi ni Yorme Isko ay hindi naman niya magagawang mapigilan kung iyon ang gustong gawin ng isang indibidwal, pero ang garantiya niya: “Tatalupan ko ang buong Pilipinas, makuha sila at mapanagot sa mata ng batas ng ating husgado.”

Gagawin niya ito, kasi nga, nais ni Yorme Isko, na sa loob ng 24 oras, 7 days a week, bumalik na ang matinong gobyerno para sa kapanatagan ng mga tao sa Maynila.

Sabi niya: “Gusto ko ang mga taga-lungsod natutulog nang mahimbing, walang ingay ng motor. Gusto ko ang mga bata naibalik ang paggalang sa magulang at pagsunod sa kanila.”

Gusto niya ligtas ang mga bata, kabataan, kaya ang payo niya, “We-u na, logtu na kapag maghahatinggabi na.”

Sabi nga ni Yorme: “Our Children is our future; they are our treasures. Let us all protect them.”

Two weeks pa lang ‘yan, at sa darating na mga araw, unti-unti nang naibabalik ang ningning at sigla ng Maynila.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com

40

Related posts

Leave a Comment