MANGINGISDA TULUNGAN DIN KAHIT ‘DI BINAHA – TULFO

KAILANGAN din bigyan ng ayuda ang mga mangingisda tuwing may bagyo o masama ang panahon, kahit hindi sila binaha.

Ito ang panawagan ni Senador Erwin Tulfo sa pamahalaan matapos dumalaw sa lalawigan ng Palawan kamakailan.

“‘Pag may bagyo o masama ang panahon, hindi nakapaghahanapbuhay ang mga mangingisda natin at wala silang makain at pamilya nila sa buong panahon na may bagyo o masama ang panahon,” ayon sa mambabatas.

Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) Station sa Palawan kay Sen. Tulfo, July 19 pa hindi nakapagpalaot ang may 11,000 fishermen sa lalawigan.

Dagdag pa ni Tulfo, “Nilapit ko na sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) sa lalawigan na padalhan na ng food packs ang mga mangingisda lalo na yung mga nasa isla.”

Nangako naman si Palawan DSWD Provincial Director Eric Aborot na hahatiran na nila ngayong linggo ng food packs ang mga mangingisda dahil kumalma na rin daw ang karagatan.

Ihahatid naman ng PCG ang mga food packs sa island municipalities.

Ayon kay Tulfo, makikipagpulong siya hindi lang sa DSWD kundi pati sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture para masiguro na hindi maiiwan ang mga mangingisda tuwing masama ang panahon.

“Bagama’t hindi nga sila direktang tinamaan ng bagyo, pero the fact na hindi sila makapalaot dahil sa sama ng panahon, biktima din sila dahil walang makain,” pahabol ng bagitong senador.

84

Related posts

Leave a Comment